Tatlong kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala sa lalawigan ng Palawan ngayong araw, July 16.
Una rito ang 25 anyos na lalaking Locally Stranded Individual sa bayan ng Busuanga na umuwi noong June 22 mula sa Maynila lulan ng barko ng 2GO Travel.
Ayon kay Busuanga Municipal Information Officer Jonathan Dabuit, asymptomatic naman ang pasyente mula nang dumating at negatibo rin ang resulta nang isailalim ito sa Rapid Diagnostic Test.
Makalipas ang 21-days quarantine period, muli itong isinailalim sa pagsusuri bago mai-release para makauwi na sa kanilang bahay subalit naging reactive ito sa RDT kaya agad na inilipat sa isolation facility at isinailalim sa swab test kung saan positibo rin ang resulta.
“Asymptomatic naman s’ya at panibagong kaso, pang-apat siya dito sa amin pero siya nalang ang active dahil magaling na ‘yong naunang tatlo. ‘Yong anim naman na kasama niya ay ipapa-test pa namin para malaman kung infected sila ng virus,” ani Dabuit sa panayam ng Palawan Daily News.
Samantala, dalawang LSI din ang nadagdag sa talaan ng mga COVID-19 positive sa bayan ng Brooke’s Point kabilang na ang isang sanggol.
Si Patient No. 3 ay isang 22 anyos na babaeng LSI habang si Patient No. 3 naman ay isang pitong buwang gulang na lalaking sanggol na kapwa dumating noong June 28 mula sa Maynila lulan ng barko ng 2GO Travel.
Ayon kay Mayor Mary Jean Feliciano, asymptomatic ang dalawang pasyente na hindi naman anya magkamag-anak at nagkasabay lamang sa barko sa kanilang pag-uwi sa Brooke’s Point.
“Mayroon kaming additional na dalawang LSI at isang babae at ‘yong isa ay 7 months old na baby pero hindi sila magkamag-anak. Si baby lang ang positive pero ‘yong parents nito ay negative dahil pareho silang naka-mask unlike sa baby. Baka doon niya [baby] nakuha sa biyahe pauwi dito and kasama niya ‘yong mother n’ya sa isolation room,” ani Mayor. Feliciano.
Sa kasalukuyan ay apat na ang COVID-19 positive sa Brooke’s Point pero ang naunang dalawa ay maganda naman anya ang kondisyon at hinihintay nalang matapos ang kanilang required quarantine period bago payagang makauwi.
“Healthy naman ‘yong naunang dalawa at waiting nalang kami matapos ang quarantine period and after that, ipapa-swab namin uli para talagang makasiguro tayo,” dagdag ng alkalde.
Sa ngayon, mayroon ng 18 active COVID-19 cases sa buong Palawan kung saan pito sa Cuyo, isa sa Roxas, apat sa Brooke’s Point, dalawa sa Taytay, dalawa sa Coron, isa sa Rizal at isa sa Busuanga.
Ang Puerto Princesa naman ay mayroong anim na aktibong kaso ng COVID-19 matapos madagdagan ng isa ngayon ding araw.
Discussion about this post