Kaugnay sa kamakailang pagdiriwang ng National Human Rights Consciousness Week ngayong buwan ng Disyembre, sumailalim kahapon sa isang seminar ang ilang mga opisyales at mga volunteer ng Brgy. Isugod, Quezon, Palawan.
Layon nitong maipaunawa pa nang mabuti sa mga duty bearer gaya ng mga opisyales ng barangay at ang mga nagbibigay ng serbisyo sa ngalan ng barangay ang ukol sa human rights at iba pang kaugnay na batas para sa mas maayos nilang paglilingkod sa mga mamamayan.
Sa pamamagitan ng isang recorded presentation, inihatid ni CHR-MIMAROPA Information Officer III Joy Estrada ang mga pangunahing konsepto at ang “principles” ng mga karapatang-pantao at ang mga obligasyon ng estado na ipatupad ang mga ito. Ipinaliwanag niyang ang mga karapatang pantao ay ang mga karapatang “likas sa bawat indibidwal” na kung wala ang mga ito, hindi makapamumuhay bilang isang ganap na tao ang isang tao.
Ilan sa mga nakapaloob sa presentasyon ni Estrada ay ang mga pinagmumulan ng mga karapatang pantao gaya ng Universal Declaration on Human Rights (UDHR), International Covenant on Civil & Political Rights (ICCPR) at ang International Covenant on Economic, Social & Cultural Rights (ICESCR) habang sa Pilipinas naman ay ginagarantiya ito ng 1987 Philippine Constitution na partikular na nakasaad sa Artikulo II (Declaration of Principles and State Policies na nasa sections 1, 5, 9-11, 15-17, at 20-23 ), Artikulo III (Bill of Rights), Artikulo XII (National Economy and Patrimony na nasa sections 1, 6, 12 at 13), at Artikulo XIII (Social Justice and Human Rights).
Kabilang din sa mga tinalakay ng unang presenter ay ang Core Principles of Human Rights na kung saan, nakasaad na ang mga karapatang pantao ay para sa lahat (universal), likas sa bawat indibidwal (inherent), walang pagtatanggi (non-discrimination), magkakaugnay (indivisible/interelated), hindi maaaring tanggalin/ihiwalay (inalienable), pananagutan (accountability), sigasig (empowerment), karampatan (equity), at mabuting pamamahala (good governance).
Tinalakay naman ni CHR-MIMAROPA Regional Director Dennis Mosquera ang RA 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and their Children Act,” isang batas na nagpoprotekta sa mga kababaihan at sa kanilang mga anak na wala pang 18 taong gulang laban sa sexual violence, psychological violence, economic abuse at physical abuse ng mga asawa o dating asawa, boyfriends/ex-boyfriends, partners/ex-partners, sa isang lalaki kung saan ang babae ay may anak, sa sinuman kung saan ang babae ay may o dating nagkaroon ng “dating relationship,” sa mga partner nilang lesbian, at sa mga foreigner.
Ang pinuno naman ng CHR-Palawan Provincial Office na si Marilou Sebastian ang nagbigay ng ukol sa mandato at profile ng Commission on Human Rights (CHR).
Ani Sebastian, naitatag ang Komisyon nang likhain ang Saligang Batas ng Pilipinas, na partikular na nakasaad sa Section 17 ng Article 13 na nagsasabing likhain ang isang independent office na tatawaging Commission on Human Rights. Ang layunin nito ay protektahan ang mga karapatang-pantao at dignidad ng lahat ng mga Pilipinong nasa bansa at ang mga nasa ibayong-dagat at ang lahat ng mga taong nasa Pilipinas.
Dagdag pa niyang bago naging CHR, tinawag ito noong Presidential Committee on Human Rights sa bisa ng ibinabang Executive Order 163 ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino noong May 5, 1987 na layong imbestigahan ang mga napaulat na “talamak” na paglabag sa mga karapatang-pantao noong panahon ng diktadorya.
“Ang gusto ng Komisyon ay pantay-pantay na oportunidad para sa lahat, ang mabuhay ng may dignidad kaya nga po ang aming slogan ay ‘Dignidad sa Dibdib ko’y Buhay’….Walang kailangan na mapalagay sa isang sitwasyon na hindi maganda at forever vigilant [kami] against abuses…nang masigurado na ang inyong mga karapatan ay napoprotektahan, natatamasa ninyo at patuloy naming ipalalaganap na ‘Ito ang inyong mga karapatan,'” ayon pa sa OIC ng CHR-Palawan.
Samantala, tema naman ng National Human Rights Consciousness Week na ipinagdiwang sa buong bansa noong Dec. 4-10 ay “Karapatan at Pagbangon sa Lahat ng Panahon: Recover Better-Stand Up for Human Rights.”
Discussion about this post