Naaprubahan na ang local expenditure program ng LGU Brooke’s Point para sa taong 2022 sa ginanap na session ng Sanggunian Bayan kahapon March 29, 2022, na nagkakahalaga ng ₱622,422,035.00.
Ayon sa may akda at Vice Chairman ng Committee on Finance and Appropriations na si Konsehal Ton Abegonza, ipinaliwanag nito kung bakit natagalan ang pag apruba ng nasabing budget na dapat Oktubre pa nakaraang taon ito na-isumite sa sanggunian upang masusing mapag-aralan ito.
“Kasi usually talaga before the end of October na i-submit na yan sa Sanggunian Bayan for review and deliberation eh… naibigay na sa amin yan February 8 na… so we are given 90 days to review… thorough review, kasi po lagpas po kalahating milyon ang pondong iyan, hindi po yan basta-basta,”saad ni Abegonza.
“So sinisigurado lang po namin na…nasa tama ang mapag-gagastusan. Kung yun po ay na-ibigay ng October [2021], mabibigyan kami ng October, November at December January… dapat by January we should act and decide and should approve,” dagdag pa nito.
Hindi din umano nito alam kung bakit hindi na i-sumite agad-agad ang annual budget sa sanggunian na dapat umano ay noong Oktubre 2021. Tinanong ng news team kung may kaugnayan ba ito sa pagka-suspende ni Mayor Mary Jean Feliciano, mariin naming itinanggi ng konsehal at wala umanong koneksyon ito sa pagkaantala ng nasabing budget.
“That we don’t know kasi hinihintay lang namin yan kasi ang nag p-prepare niyan hindi naman legislative kundi nasa executive,” ani Abegonza. “Hindi naman po, eh… nataon lang po siguro na kasi mayroon po ah… kasi isa pa po yung devolution plan na alam niyo naman po siguro yung sa Mandanas kaya nag increase po yung IRA (Internal Revenue Allotment) namin so nagkaroon ng mga adjustment nag increase actually yung mga budget. Kaya kailangan may mga ibang pagkakagastusan na according narin sa devolution plan. Walang koneksyon yan sa pagka suspinde ng aming Mayor.”
Samantala, nagpapasalamat naman ito sa kanyang mga kasamahan sa Sanggunian sa pagkakaisa nilang lahat upang maaprubahan na sa lalong madaling panahon ang annual budget ng bayan.
“Masyadong gipit lang po ang panahon, pero anyway… we tried our best to review so…so far…nagkaisa naman po ang Sanggunian Bayan to approve.”
Discussion about this post