Dismayado ang Executive Director ng Palawan NGO Network, Inc. (PNNI) na si Attorney Robert ‘Bobby’ Chan sa naging desisyon ng Sangguniang Panlalawigan na ideklara siyang persona non grata dahil sa video umano nito na pagpapahayag laban sa provincial government at iba pang ahensya ng gobyerno.
“Nagulat ako. Siyempre, sino ang hindi magugulat dun? Na maging persona non grata. At nakakalungkot kasi ako ay pinalaki na sumasaklaw sa batas at ang alam ko bago ka makagawa ng resolution o isang hatol ay kailangan may due process diyan. Nasaan ang due process? Binansagan na nila at hinatulan na nila ako ng persona non grata,”ani Atty. Chan.
Inihayag naman ni Board Member Albert Rama na tanggap nila ang mga puna sa kanilang panunungkulan subalit hindi umano tama ang ginawa ni Atty. Chan na sisiraan ang gobyerno para makakalap ng pondo lalo na’t ang iba nilang mga donors ay mula sa ibang bansa.
“Ginagalang din namin ang karapatan niya pero igalang din niya ang aming karapatan na magpahayag din ng aming sentiment. May karapatan din kami na ipagtanggol ang pamahalaan. Yung sasabihin sa amin at ipalalabas na may katotohanan at gagamitin pa para maka-solicit ng pondo sa ibang lugar o kung kanino man eh parang hindi na tama yun. Lumalabas na kami ay ginagamit na instrument para maloko yung iba.”
Nilinaw din ni BM Rama na puwede parin pumunta sa lalawigan ng Palawan ang Executive Director ng PNNI at welcome din na pumasok sa gusaling kapitolyo.
“Hindi naman namin puwedeng saklawan ang kaniyang karapatan bilang isang mamamayan ng ating bansa na may karapatan siya na pumunta kahit saan. Ito lang persona non grata ito ay isang prinsipyo ng pagpapahayag na paghindi gusto sa kaniya at sa kaniyang mga sinabi.”
Samantala, sa paliwanag ni Atty. Herbert Dilig, walang epekto ang persona non grata lalo sa isang lokal na mamamayan sa bansa dahil puwede pa rin siyang pumunta sa lugar kung saan siya idineklarang persona non grata.
“Ang persona non grata, strictly speaking, is diplomatic thing international relation. Halimbawa, isang Chinese Ambasador tapos mayroon syang hindi magandang ginawa sa Pilipinas so we can declare that person as persona non grata. Kapag na deklara ka na ganun dahil hindi ka katanggap-tanggap sa bansang Pilipinas, puwede kang paalisin tapos hindi ka na pabalikin…but ginagawa ng local government unit mga probinsya, syudad mga munisipyo locally [ang] pag-dedeklara na persona non grata eh walang effect yun…sa madaling salita [ay] legally no effect [pero] politically perception wise yes meron,” pahayag ni Dilig.
Discussion about this post