Tiniyak ni Governor Jose Chaves Alvarez ang mahigpit na seguridad at pagbabantay sa borders ng Palawan partikular na sa bayan ng Balabac na itinuturing na “backdoor” ng lalawigan.
Bunsod nito, personal na nakipagpulong ang gobernador kay Balabac Mayor Shuaib Astami kung saan pinag-usapan ang mga dapat gawin upang mapalakas pa ang pagbabantay sa kanilang borders.
Layunin nitong matiyak na hindi makakapasok sa lalawigan ang COVID-19 mula sa bansang Malaysia na ilang milya lamang ang layo sa munisipyo.
Nilinaw din ni Alvarez na maaarin namang makapasok ang ilang indibidwal tulad ng mga mangingisda pero kailangang sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols.
“Nandito nga ako sa Balabac ngayon, nakipagpulong ako sa Mayor ng Balabac na ‘yong ating last border yong mga nanggagaling sa Malaysia ay dapat huwag naman nating hindi papasukin tulad nong mga mangingisda sa Bancalaan, i-quarantina lang ng 14 days, pumayag naman, pagkatapos nun pakawalan” ani ni Gob. Alvarez mula sa inilabas na press release ng kapitolyo.
Samantala, muli namang nagpa-alala si Gob. JCA sa mga mamamayan na huwag mabahala dahil ginagawa ng pamahalaang panlalawigan ang lahat upang manatiling ligtas ang mamamayan nito laban sa COVID-19 kasabay ang apelang huwag ding maging kumpiyansa dahil kinakailangan parin ang ibayong pag-iingat.
Discussion about this post