Matagumpay na naisagawa ang MOA Signing at Groundbreaking Ceremony para sa isang State-of-the-Art Rice Processing System (RPS) II sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program ng Department of Agriculture – Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (DA-PhilMech)sa CBDC Site ng Barangay Kemdeng, San Vicente, Palawan nitong Lunes, Abril 17.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga lokal na opisyales ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pangunguna ni Mayor Amy Roa Alvarez at Bise-mayor Ramir R. Pablico, sampu ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan at Municipal Agriculturist kasama ang mga asusasyon ng mga magsasaka sa buong munisipyo.
Sa pamamagitan ng RCEF Program, bubuo ng mga bagong teknolohiya sa mekanisasyon para sa produksiyon at mga post-production operation ng palay mula sa paghahanda ng lupa, pagtatanim, pag-aani at pagsasala ng palay, pagpapatuyo hanggang sa paggiling. Ang mga rice husk naman o balat ng palay ay maaring gamitin sa pagpapaunlad ng mga renewable biomass energy systems.
Ayon kay Municipal Agriculturist, Rufino I. Clavecilla, ang proyektong ito ay mayroong malawak na layunin na madagdagan ang maibibigay na tulong upang maibsan ang madalas na kinakaharap na pagsubok ng mga magsasaka sa pagpoproseso ng bigas, mula sa paglilinis ng palay, pagbibilad, pagpapagiling, at pag-iimbak, nang sa gayon ay mapataas natin ang kalidad ng lokal na produksyon ng bigas.
Handa naman tumulong ang pamahalaang lokal kaugnay sa napakagandang proyekto.
Sa mensahe ni Mayor Amy Roa Alvarez, handang umanong tumulong ang LGU sa mga magsasaka upang mapataas ang suplay ng pagkain at mapaunlad ang ekonomiya sa paraan ng pagpapataas ng antas ng mekanisasyon sa ating bayan.
Samantala, nagkaroon din ng kasunduan at pirmahan sa pagitan ng DA-PhilMech at ng LGU-San Vicente para sa pagpapatibay ng mga nasasaad at napapaloob sa MOA.
Kaugnay niyan, naglaan ng pondo ang DA-PhilMech para sa pagtatatag ng RPS II ay nagkakahalaga ng P70 milyon sa ilalim ng RCEF, kabilang ang mga postharvest machinery kagaya ng isang yunit na Multi-Stage Rice Mill (may kapasidad na 2-3 tonelada bawat oras) at apat na unit na Recirculating Mechanical Dryer (may kapasidad na 6 na tonelada bawat batch).
Nasa P24 milyon naman ang inilabas ng LGU kabilang na ang paghahanda ng lugar na pagtatayuan ng proyekto at ang warehouse na paglalagyan ng nasabing mga equipment.
Discussion about this post