Isang bangkang de sagwan ang nakita ng ilang residente ng Bayan ng Coron ng palutang-lutang lamang sa karagatan ngunit walang taong sakay kahapon ng gabi.
Ayon sa post ng Coron Municipal Police Station (MPS), humigit-kumulang ika-7:30 umano ng gabi kahapon, Mayo 5, ay may nagpadala ng private message sa kanilang Facebook account at ipinaalam na may nakitang bangka ang kanyang ama at kapatid.
Ang nagpaabot umano ng impormasyon ay si Bb. Ellen Mandal, residente ng Poblacion 1, na kung saan ay binanggit niyang habang nangingisda ang kanyang amang si Ely Mandal at ang kapatid na si Elmar Mandal ay nakakita sila ng isang bangkang de sagwan.
Base umano sa PM ni Ms. Mandal, nakita umano ito ng kanyang mga kaanak sa laot ng Malapuso Island na palutang-palutang lamang ngunit walang taong sakay kaya nagpasya umano silang dalhin na lamang ito sa bayan ng Coron.
Kaugnay nito ay nananawagan ang Coron PNP na kung sinuman ang may-ari nito ay magpakita lamang umano ng mga kaukulang mga dokumento na magpapatunay na sila nga ang owner ng nasabing bangka.
Sa kasalukuyan umano ay nasa pangangalaga ng pamilya Mandal ang naturang de sagwan at maaari naman silang kontakin sa numerong 0975-9468-802 para sa mga karagdagang impormasyon.
Makikita naman sa post ng Coron PNP ang mga screenshot photos ni Bb. Mandal sa naturang bangka na nakita ng kanyang ama at kapatid.
Discussion about this post