PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 21 (PIA) — Upang makaagapay sa hanapbuhay ng mga mangingisda, maging ng mga katutubo sa Isla ng Calauit sa bayan ng Busuanga, Palawan , pinagkalooban ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng Department of Agriculture (DA-BFAR) ng mga bangkang pangisda na may makina at kumpletong kagamitan.
Sa pangunguna ni DA Secretary Manny Piñol, inihatid sa mga mangingisda sa lugar ang 24 bangkang pangisda na gawa sa fiberglass na mayroong 18-horse power na makinang ginagamitan ng krudo.
Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) kay Assistant Regional Director Roberto Abrera ng BFAR-Mimaropa, 14 unit ng bangka sa mga barangay na siyang pakikinabangan ng mga residenteng ang pinagkakakitaan ay pangingisda, pito ang napunta sa grupo ng mga katutubong Tagbanua at Cuyunon, habang ang isang unit naman ay para sa Calauit High School para sa mga estudyante ng agricultural at fisheries ng K to 12 Program.Bukod dito, mayroon ding ipinamahaging mga kagamitan sa pangingisda tulad ng payao, lambat, at iba pa na nagkakahalaga ng P6.7 milyon.
Ani ng opisyal, bukod sa hangaring pang hanapbuhay, layon din na magamit ang mga bangka sa pagpapatupad ng batas at pangangalaga sa karagatan ng Busuanga.
Samantala, sa kaniyang mensahe, nangako si Kalihim Piñol na magtatayo ng pasilidad ng cold storage sa Busuanga sapagkat madalas nakakahuli aniya ang mga mangingisda sa lugar ng maraming Galunggong na ibinibenta sa pamilihan.
Bilang karagdagang suporta sa mga mangingisda sa nasabing bayan, ipagkakaloob rin ng kalihim ang bangkang pangisda ng mga Vietnamese na ginagamit ng mga ito sa panghuhuli ng Tambakol na nahuli kamakailan ng mga awtoridad sa nasasakupang karagatan ng Pilipinas.
Ani ng kalihim, maaari itong magamit sa pagba-biyahe ng kanilang mga huling isda patungong kamaynilaan para sa mas maayos na presyo.
Limang milyong pisong halaga rin ng aalagaang baka na kukunin sa stock farm ng Bureau of Animal Industry sa Busuanga, bilang suportang pang-agrikultura ng kagawaran para sa mga katutubo. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)
Discussion about this post