Nananawagan ang Presidente ng Green Island Fisherfolks Association (GIFA) na si Jebrel Ompad sa Lokal na Pamahalaan ng Roxas at sa iba pang kaakibat na ahensiya na matulungan sila sa kanilang kinakaharap na problema. Nitong Disyembre kasi ay bigla na lamang namuti at natunaw ang mga bagong tanim na seaweeeds kaya hiling nila na mabigyan sila ng seedlings nang makapagtanim muli.
“Ang status nga namin [hanggang sa] ngayon ay malungkot nga kasi unang-una, wala na kaming tanim ngayon na seaweeds, ubos talaga lahat. Ang inaasahan na lang namin ay ‘yong mga nakabilad sa dryer. Sa susunod niyan, wala na kaming maibibilad kasi gawa ng natunaw na noong nakaraang linggo,” dagdag pa ni Ompad.
Tiniyak naman ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na may mag-iinspeksyon sa karagatan ng Green Island sa Bayan ng Roxas ngayong linggo upang matukoy ang dahilan ng biglaang pagkatunaw ng mga tanim na seaweeds.
“Yes! [May pupunta na riyang mga tao.] Napag-usapan na namin ni Mr. Ed Padul (Municipal Agriculturist) and we will be finalizing the sched this coming week,” ani Provincial Agriculturist Romy Cabungcal sa pamamagitan ng text message.
Kinumpirma naman ng Municipal Agriculturist ng Bayan ng Roxas na si Edgar Padul na nag-usap na sila ni Dr. Cabungcal. Siniguro nitong magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyaring pagkatunaw ng mga seaweeds.
Sa tantiya ng Green Island Fisherfolks Association, nasa 90 porsiyento ng mga residente ng Green Island ang nabubuhay sa pagtatanim at pagpaparami ng seaweeds. At habang wala pang kasiguruhan sa pangunahing kabuhayan, ang ilan umano sa kanila ay pagtitiyagaan muna ang mga naisalbang seaweeds habang ang iba ay susubukan na kumita muna sa pangingisda.
Discussion about this post