Mag-iisang linggo ng nawawala ang binatang si Ian Garder, 26 anyos, ng Barangay Camarisaan, Balabac, Palawan matapos umanong sumamang mangisda sa mga kakilala nito sa laot ng Barambangan na sakop na ng karagatan ng Malaysia kamakailan.
Ayon sa tiyuhin ng binata na si Noel Garder, dahil ulila na sa ama ang pamangkin ay halos isang taon na rin itong nagtatrabaho sa isang lantsang pangisda at pabalik-balik sa Malaysia upang masuportahan ang ina at isa nitong kapatid.
“Pumunta ‘yan ng Malaysia para magtrabaho, mag-one year na ‘yan siya doon. Tapos noong Wednesday, January 19, bigla na lang tumawag pinsan ko na wala na si Ian, bigla na lang nawala raw doon sa lantsa sa gitna ng dagat,” ani Garder.
Dagdag ni Garder, hindi rin umano malaman ng mga kasamahan ng pamangkin ang dahilan ng biglaang pagkawala ng binata habang nasa gitna ng karagatan ang kanilang lantsa.
“Lantsa sinasakyan nila kasi nangingisda sila, hindi malaman ang dahilan. Iba-iba rin ang statement ng mga kasamahan niya sa lantsa. Baka raw nalaglag pero imposible naman. Sabi nila, baka lasing. Eh hindi rin umiinom ‘yung pamangkin kong ‘yun,” ani Garder.
Sa ngayon ay labis-labis na ang pag-aalala ng pamilya ng binata gayundin ang kanyang ina na ayon kay Garder eh wala ng humpay sa pag-iyak buhat nang matanggap nila ang balita tungkol sa nawawalang binata.
“‘Yung nanay niya, sige na lang ang iyak. Hindi na makausap ng matino,” ani Garder.
Giit niya, balak na lang nilang padasalan ang pamangkin ngayong linggo kung hindi pa rin ito makikita. Nakatakda rin umano silang pumunta sa Barangay Ramos ng nasabing bayan upang magbakasakaling ipahula kung buhay pa ba ang nawawalang pamangkin.
“Kapag hindi pa rin makita, padasalan na lang namin. Pero luwas kami ng Ramos, baka-sakali ipapahula namin, gusto namin malaman kung buhay pa ba si Ian,” ani Garder.
Discussion about this post