Itinanggi ng central office ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng isang sulat na nakalap ng Palawan Daily ngayong araw, June 19, ang di-umano’y “Top Mayor’s Survey” na inanunsiyo ni Narra Mayor Gerandy Danao na kanyang kinabibilangan sa kanyang nakaraang press conference noong May 27.
Sa official statement na inilabas at nilagdaan ni Atty. Odilon Pasaraba, CESO III at Director ng Bureau of Local Government Supervision ng naturang ahensiya, sinabi nito na ang kanilang ahensiya ay hindi nagbibigay ng anomang “top mayor award” at ni minsan ay hindi pa sila nakapagbigay ng ganitong klaseng parangal sa kahit kaninong alkalde o lingkod-bayan saang parte man ng bansa.
Subalit, ang kontrobersiyal na “Top Mayors of the Philippines list” ay matatandaan namang inanunsiyo ng alkalde ng bayan ng Narra sa harap ng mga miyembro ng media na dumalo sa kanyang unang press conference kaugnay sa mga kasong kinahaharap noong nagdaang buwan.
Sa press conference, nang tanungin ng isang media kung anong ahensiya ang naglunsad ng sinasabing survey, tahasang sinagot ni Danao na ang ahensiya ng DILG ang siya umanong naglunsad nito.
Ang nasabing “survey” ay kumalat rin sa social media at lumabas na siya namang pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, pinangalawahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto at pingatluhan ni Danao.
Samantala, kasabay nito, ipinaalam din ni Pasaraba sa kanyang official statement na ang Narra ay ang tanging munisipyo na nakatanggap ng prestiyosong parangal na Seal of Local Governance (SGLG) sa buong lalawigan ng Palawan noong nakaraang taon.
Discussion about this post