Dulot na rin marahil ng nagging pinsala sa mga pananim, imprastraktura at iba pa sa bayan ng Brooke’s Point na sanhi ng Low Pressure Area (LPA) na nagdala ng ilang araw na pag-ulan at tuluyan nang pagbaha sa naturang lokalidad kung kaya’t nagpasya ang lokal na pamahalaan nito na palawigin pa ang “state of calamity” hanggang sa ika- 28 ng Hulyo, 2023.
Matatandaan na ang Resolution No. 2023-02 na iniakda ni Sangguniang Bayan Member Victoriano B. Colili ay naging epektibo noong ika 28 ng Enero, 2023 at magtatagal hanggang ika- 28 ng Hulyo, 2023, batay na rin sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Brooke’s Point, Palawan.
Ang resolusyon ay nagkakaisang inaprubahan ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan ng Brooke’s Point nitong Enero 10, 2023.
Napag-alaman na una nang isinailalim sa “state of calamity” ang Brooke’s Point noong Disyembre 28, 2022 hanggang Enero 28, 2023 dahil sa pagbaha dulot ng shear line.
Ang layunin ng pagpapalawig ng “state of calamity” sa bayan ng Brooke’s Point ay upang mabigyan ng sapat na panahon ang rehabilitasyon ng napinsala at naapektuhan ng ilang araw na pag-ulan dulot ng LPA nitong unang linggo ng Enero.
Naitala na datos sa Damage Assessment and Needs Analysis (DANA) ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) apat na munisipyo ang lubhang naapektuhan ng LPA partikular ang mga bayan ng Brooke’s Point, Sofronio Española, Narra at Rizal, umaabot na sa halagang P120,517,813.75 milyon ang total cost of damages.
Sa kabila ng nangyaring ito positibo ang pamunuan ng local na bayan ng Brooke’s Point sa pamumuno nina Mayor Cesareo R. Benedito, Jr. at Vice Mayor Atty. Mary Jean D. Feliciano na magiging mabilis at mahusay ang pagsasa-ayos at rehabilitasyon upang maibalik sa normal ang sitwasyon ng bayan.
Samantala patuloy naman ang pagdating ng tulong mula sa iba’t- ibang ahensiya sa mga naapektuhang bayan sa bahaging Sur ng Palawan.
Bukod sa mga nabanggit na tulong mula sa mga organisasyon at ahensiya nagsagawa rin ng pagkilos ang Philippine Coast Guard katuwang ang mga barangay volunteers upang mag-repack ng may 1,500 family food packs ang iba naman sa mga ito ay nakapag vacuum seal ng 1,600 rice, at 1,500 na mga kahon na pinaglagyan ng mga tulong sa naapektuhan ng LPA.
Nagkaloob ang Office of the Civil Defense sa Palawan ng 911.64 na litro ng krudo bilang pagkukunan ng enerhiya sa mga naapektuhang lugar at 50 family food packs sa bayan ng Brooke’s Point.
Source: PIA Palawan
Discussion about this post