Dalawang panibagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bayan ng Coron ngayong araw, July 15.
Sa Facebook post ng Coron Public Information Office, nakasaad na ang dalawang bagong pasyente ay kapwa Locally Stranded Individuals na magkasunod na nakauwi sa Coron nitong Sabado at Linggo mula sa Maynila.
Ang unang kaso ay isang 72 anyos na babae na umuwi lulan ng barko ng 2GO Travel at isang asymptomatic at naging reactive sa Rapid Diagnostic Test habang ang isa naman ay 21 anyos na lalaki at nakauwi lulan ng M/V Jhun Aster na may sipon, lagnat at idinadaing ang pananakit ng katawan.
Agad namang inilipat sa isolation unit ng quarantine facility ng Coron ang dalawa habang ang kanilang close contacts ay inilipat naman sa isang kwarto at nakatakdang isailalim sa swab testing.
Kaugnay nito, sinabi ni Coron Municipal Health Officer, Dr. Allan Guintapan na nagpapatuloy ang kanilang pulong kung saan pinag-uusapan ang iba pang gagawin ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa kanilang lokalidad.
Discussion about this post