Sa pamamagitan ng post ng Bayan ng Culion sa kanilang social media page ngayong araw, ipinabatid ng lokal na pamahalaan ng nakapagtala sila ng pinakaunang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kanilang bayan.
Ang nasabing indibidwal ay isang 19 taong gulang na Locally Stranded Individual (LSI) na dumating sa Culion noong araw ng Linggo, Hulyo 26, 2020 mula sa Maynila at sakay ng June Aster.
Batay pa sa impormasyong ipinaabot ng LGU, isinagawa ang swab test sa naturang LSI noong Hulyo 27, 2020 at agad na ipinadala sa Ospital ng Palawan para isailalim sa confirmatory test. Lumabas naman ang resulta ngayong araw, Hulyo 30, 2020 na nakasaad na nagpositibo siya sa SARS (COVID-19).
Sa kasalukuyan ay nananatiling asymptomatic ang naturang LSI at agaran ding inihiwalay sa iba pang LSI matapos lumabas ang resulta.
Kaugnay nito ay isinasailalim na rin sa swab testing ang apat pang kasabay ng nasabing LSI sa June aster at naka-isolate na rin sa kanilang pasilidad.
Samantala, pinapayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga mamamayan na patuloy na makiisa at makipagtulungan sa mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na protocols at minimum health standards.
Discussion about this post