Isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan ang panukalang pagdagdag ng buwanang insentibo ng mga barangay volunteers sa lalawigan sa ginanap na ika-43 na sesyon kahapon Mayo 17, 2022.
Base sa resolusyon na inakda nina Board Members Ryan Maminta, Leoncio Ola at Juan Antonio Alvarez, itaas sa ₱1,000.00 ang nais nilang ibigay sa mga boluntaryong manggagawa ng mga barangay mula sa ₱600.00 na tinatanggap ng mga ito.
“Maitaas at maiingat ng bahagya magkaroon ng adjustment yung kanilang tinatawag na insentibo o yung provincial aid para sa kanilang pagganap ng kanilang tungkulin sa mga barangay na kung susumahin ay nasa ₱400…so magiging ₱1,000.00 yong monthly incentive nung ating mga barangay working forces na nangagaling sa probinsya,” pahayag ni BM Maminta.
“So ang coverage nito ay yong mga community health workers natin galing sa barangay health workers, barangay nutrition scholars, microscopies, sanitary inspectors yung mga anti malaria teams tapos yung atung mga RBTs na tinatawag mga barangay veterinary aids ganoon din yung ating mga barangay health development workers so kasama na yung mga BNS ibig-sabihin compassing lahat with the exception ng mga barangay tanods,” dagdag pa ni Maminta.
Kung sakaling ma-aprobahan na umano ang isinusulong na panukala ay mahigit ₱30,000,000.00 o lagpas pa ang kinakailangan pondo para dito dahil sa kasalukuyang bilang ay humigit kumulang 6,367 ang mga barangay volunteers sa buong lalawigan ngunit maari pa umano itong mabawasan o madagdagan pa ayon kay Maminta.
“Ang kinakailangang budget kung ipapasa natin siya ngayon at gagawin nating retroactive galing sa January hanggang December ay kailangan natin ng ₱30,000,000.00 plus na pondo para ma-implement itong programa na ito,” saad ni Maminta.
“Kung magsisimula naman tayo ng July dahil malapit nadin naman tayo mag simula nang bagong administrasyon ng provincial government ay more or less ₱15,000,000.00 pero by the next year kung ito ay isa ng ordinansa at ma-aprobahan ng sangguniang panlalawigan…we need more or less ₱50,000,000.00 to ₱60,000,000.00 sa buong taon ng implementation nung adjustment ng incentives ng ating barangay working forces,” dagdag pa ni Maminta.
Sa hiwalay na panukala, isang ordinansa naman ang inihain ni Board Member Maria Angela Sabando na pagkakaloob ng P600 monthly incentive para sa lahat ng Municipal Child Development Workers (daycare workers).
Kaugnay nito nais din ni Sabando na pagsamahin na lamang ang magkahiwalay na panukala at gawing ordinansa, subalit ini-refer muna ang mga ito sa Committee on Appropriations at Committee on Health ng kapulungan.
Nais mapalawig ni Maminta ang naturang panukala at hinalimbawa nito noong nanunungkulan pa siya bilang konsehal sa bayan ng Narra, Palawan, ay may mga ipinasa umano itong panukala na nag lalayon na maproktektahan ang mga barangay volunteers. Ninanais din ni Maminta na magawa din umano ito ng ibang mga munisipyo sa lalawigan kung may kakayanan at may sapat na pondo ang mga ito.
“Bago matapos yung ikalawang termino ko noong 2019 ay nakapag pasa tayo ng mga ordinansa na may kinalaman sa kabutihan, kagalingan, pagpapalakas, pagpapatibay ng ating mga volunteer health workers…So makikita niyo dito lamang sa bayan ng Narra ang mayroong retirement benefits yung mga barangay workers na umaabot ng 60 to 65 years old na napakatagal nang nag s-serbisyo dito sa ating mga barangay…So mayroong katumbas na halaga iyon…bagamat hindi natin sinasabing katumbas ng salapi yung kanilang pag s-serbisyo…Pero mayroon silang nai-uuwi pagkatapos ng kanilang pag s-serbisyo sa kanilang mga barangay,” ani ni Maminta.
“Mayroon din yan sa bayan ng Narra na sinasabing hindi sila basta-bastang tanggalin ng mga appointing authority nila hanggat walang mga valid reason na ang dumidinig ay yong local head boards bago sila alisin sa kanilang mga tungkulin bilang mga volunteer health workers,” dagdag pa ni Maminta
Nang tinanong si Maminta kung posible na magkaroon ng ganitong panukala sa Panlalawigan ng kahalintulad ng kanyang ginawa sa bayan ng Narra, sagot nito, “Hindi ako masyadong positibo sa ganyang pananaw kasi sa bilang ng mga community health workers ng mga barangay biruin mo 6,000 medyo ma-deplete yung pondo natin.”
“Kaya yung estratehiya ay siguro gawing mandato ng mga munisipyo yung talagang kapakanan ng mga health workers at tutulong ang probinsya sa pagbibigay ng mga insentibo, pagbibigay ng mga trainings, seminars and other health related materials na pupwede nilang magamit…Pero pagdating doon siguro sa pag r-retiro at ibat-iba pang mga pagtataas ng insentibo maliban sa gagawin ng probinsya ay may malaki sigurong puwedeng i-ambag yung munisipyo sapagkat nagawan at nabigyan namin sila ng tinatawag na enabling ordinance na pwede nilang ipatupad sa kanilang nasasakupan,” dagdag pa ni Maminta.
Para kay Maminta hindi na umano iba sa mga health workers tulad ng mga doktor at nars ang mga barangay volunteers. “Actually nga hindi ko na sila kino-consider as volunteer workers kasi katulad ng mga health workers sila na talaga yung mga front liners natin eh.”
Samantala, sa oras na maisaayos ang mga kaukulang hakbang at direksyon umano ng mga komite, ay ipatatawag ang mga kinauukulang departamento ng pamahalaang panlalawigan maging ang mga manggagawa sa barangay upang ilatag ang mga nilalaman ng isinusulong na panukala.
Discussion about this post