Matapos na bigong sumipot ang mga inimbitahang opisyal ng PLDT Palawan Field Office noong nakaraang linggo, nitong Lunes, Disyembre 7, ay pinaunlakan na ng nasabing kompanya ang imbitasyon ng Sangguniang Panlungsod na layong ipabatid sa Konseho ang update sa restoration ng kanilang fiber optic lines upang masolusyunan ang problema sa internet connection sa siyudad.
Sa Question and Answer Hour, tiniyak ni PLDT-Palawan Field Office team head Modesto Perez na sa kasalukuyan ay stable na ang kanilang internet connection matapos ang nangyaring outage noong Nov. 8 kung saan nagkaroon ng fiber break sa Brgy. Sandoval, Roxas at noong Nov. 22 naman kung saan nagkaroon ng problema sa equipment.
At dahil sa naranasang problema ng pagbagal hanggang pagkawala ng internet connection noong nakaraang buwan ng Nobyembre ay ipinabatid ng PLDT Inc. na magbibigay sila ng rebates sa kanilang mga subscribers sa Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan.
Ayon kay Susan Cayao, Customer Development Management Executive (CDME)-Palawan Sales ng PLDT Palawan Field Office, magre-reflect ang nasabing rebates sa kanilang mga subscribers sa susunod nilang billing ngayong buwan ng Disyembre.
Inihalimbawa ni Cayao na kung ang internet package o plan na in-avail ng isang subscriber ay P1,299, makakatanggap siya ng rebates na P606.20 habang kung ang plan naman ay P2,899, ang rebates ay aakyat sa P1,352.
Sa buong Lalawigan ng Palawan, mayroong 13,000 total subscribers ang PLDT, Inc. at karamihan sa kanila ay nasa Lungsod ng Puerto Princesa na umaabot sa 10,000 subscribers. Sa lungsod sa ngayon, mayroon pang nasa volume pipeline o pending installation na umaabot sa 600.
Matapos naman ang talakayan, napagkasunduan ng mga miyembro ng City Council na hingan ng paliwanag ang PLDT, Inc. sa kung bakit hindi naibibigay ang dapat na serbisyo na nakapaloob sa kanilang kontrata. Ito ay bunsod ng madalas na mahinang signal ng internet, pagkawala nito ng halos magkakasunod na araw noong Nobyembre at ang hindi naipatutupad umanong nilalaman ng kontrata ng mga konsyumer.
Nagpasa rin ang Konseho ng resolusyon na humihiling sa PLDT na i-upgrade ang kanilang internet connectivity sa lungsod bukod pa ang kahilingan sa Converge ICT na ikonsidera ang paglalagay ng telecommunication system dito Palawan, partikular sa Puerto Princesa, gayundin ang pag-prioritize sa expansion ng kanilang internet infrastructure sa Brgy. Bacungan hanggang Simpocan, at ang paghahain ng proposed revenue ordinance na buwisan ang mga lease contract/rentals ng utility poles ng isang telecommunications company.
Samantala, nanawagan naman si Ex-officio Member, SK Federation President Myka Mabelle Magbanua sa PLDT na pagtuunan nang maigi na maibigay ang stable na internet connection dahil karamihan sa mga kabataan ngayong pandemya ay nasa online classes at ang ibang nagtatrabaho ay naka-work from home. Ito ang kabilang sa naging komento ni Magbanua dahil napakarami na umano ng kanyang mga natanggap na hinaing buhat sa mga kapwa niya kabataan na humihiling ng tulong na makausap ang kanilang mga guro dahil sa hindi sila nakadadalo sa kanilang online classes at di pa nakaka-take ng mga quiz, at hindi pa nakapapasa ng kanilang mga requirement dahil sa problema sa internet connection.
Discussion about this post