Pinarangalan ang dalawang boksingerong Palaweño sa kanilang tagumpay matapos makamit ang mga prestihiyosong mga medalya sa kompetisyon sa kamakailang pagtatapos ng Palarong Pambansa 2023 na idinaos sa lungsod ng Marikina mula Hulyo 29 hanggang Agosto 05.
Isa na rito si John Reeve Vinoya, isang boksingero mula sa bayan ng Narra, Palawan na nagwagi ng Silver Medal sa kategoryang Junior Boys Pin Weight 44-46kgs. Kasunod nito ay si Raffy Dubao mula naman sa bayan ng Aborlan, na kumuha ng Bronze Medal sa kategoryang Youth Boys Minimum Weight 46-48kgs.
Ang dalawang ito ay nagpamalas ng kanilang kagalingan sa larangan ng boksing, at sa kanilang mga medalya, ay naging huwaran sila sa pagbibigay inspirasyon sa mga kabataang atletang Palaweño.
Ang mga tagumpay na ito ay hindi lamang bunga ng kanilang sariling husay at dedikasyon kundi pati na rin sa masusing paghahanda ng Office of the Governor – Sports Division ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates. Ipinakita ng mga atletang ito ang bisa ng matiyagang pagsasanay at suporta mula sa lokal na pamahalaan at sa Department of Education (DepEd) Palawan.
Samantala, ang IV-B MRAA (MIMAROPA Region) ay nagwagi ng kabuoang dalawampu’t pitong (27) mga medalya sa naturang pamabansang palaro. Binubuo ng anim na gintong medalya, walong pilak na medalya, at labing-tatlong tanso, nagpamalas ang rehiyong MIMAROPA ng malakas na kahandaan at kakayahan sa iba’t ibang palaro sa Palarong Pambansa 2023.
Discussion about this post