Ibinaba na ng Sangguniang Panlalawigan ngayong araw, Setyembre 24, ang hatol na guilty sa suspendidong alkalde ng bayan ng Narra na si Gerandy Danao.
Bilang parusa, si Danao ay haharap sa karagdagang 20 buwang suspensiyong pinirmahan ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez ayon na rin sa rekomendasyon ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Base sa kopya ng desisyon na nakuha ng Palawan Daily, pinatawan ng isang taon na suspensiyon si Danao sa kaso nitong Grave Misconduct, karagdagang anim na buwang suspensiyon rin para sa kaso nitong Gross Negligence at dalawang buwang suspensiyon muli para naman sa kaso nitong Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service.
Base sa hinimay na salaysay ng Sanggunian kaugnay sa paglitis ng mga kasong administratibo ni Danao partikular na ang isinampang kasong Grave Misconduct ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan, nakitaan umano ng direktang paglabag sa batas si Danao dahil siya ay nagbigay ng hindi lamang 16 na permit para sa pagpapasabong sa bayan ng Narra mula noong maupo ito at manumpa bilang alkalde ng bayan noong 2019 kundi pati na rin ang pagbigay nito ng special o conditional permit kay Allander Santos upang magpatayo at magpatakbo ng isang sabungan.
Noong pumasok na ang taong 2020, ayon pa rin sa salaysay ng Sangguniang Panlalawigan, ay nag-issue naman umano si Danao kay Santos para sa pagpapagawa at pagpapatakbo ng New Antipuluan Cockpit nang hindi dumadaan o kumukuha ng prangkisa mula sa opisina ng Sangguniang Bayan ng Narra.
Dahil rito, ay nakitaan umano ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng tahasang paglabag sa batas si Danao base na rin sa Section 447 ng Local Government Code of 1991, Municipal Ordinance No. 95 at Presidential Decree 449 na pawang nagre-regulate ng mga batas ukol sa pagpapasabong at pagpapatayo ng mga sabungan.
Ayon din sa Sangguniang Panlalawigan, bagaman walang kaso ang pagbigay ni Danao ng labing-anim na permit para sa pagpapasabong dahil ang mga ito ay nakapangalan kay Randy Arimado na siya namang lisensiyadong may-ari ng isang sabungan sa Barangay Malinao noong panahong iyon, hindi umano maaring ihalintulad ni Danao ang sitwasyon sa pagbigay nito ng permit para kay Santos sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng bagong sabungan sapagkat hindi ito pormal na dumaan sa tamang proseso at hindi kumuha ng prangkisa mula sa opisina ng SB. Kung kaya’t ang sabungang pagmamay-ari ni Santos ay ilegal at hindi lisensiyado ng lokal na pamahalaan.
Sa kaso namang 3 counts of Gross Negligence ni Danao ay hinatulan rin siyang guilty ng Sangguniang Panlalawigan dahil sa huli na nitong na-isumite ang Executive Budget para sa taong 2020 na marapat lamang na maisumite ng mga lokal na pamahalaan bago o sa mismong araw ng Oktubre 16 taon-taon.
Bagaman sinabi ni Danao na nagsumite ang kampo niya ng Executive Budget for 2020 noong Oktubre 16 ay hindi umano ito maiku-konsiderang konkreto sapagkat ang isinumite nito ay kulang nang mga mahahalagang “attachments” na kinakailangan para sa pag-apruba ng pondo.
Naging resulta umano nito ay ang pagka- delay na pagpapasahod para sa mga kontraktwal at job-order na empleyado ng munisipyo noong Enero at Pebrero at pagka-tengga ng mga proyektong ipinapagawa ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Narra.
Dahil umano rito, ayon pa rin sa Sangguniang Panlalawigan, ay naapektuhan hindi lamang ang lokal na pamahalaan kundi pati na rin ang buong bayan ng Narra dahil sa “negligence” o kapabayaan ng administratibo ni Danao na matatandaang umamin sa isa sa mga nagawang pagdinig na siya ay walang alam sa mga proseso kaugnay rito.
Ayon sa Sangguniang Panlalawigan, bilang alkalde ng bayan ay hindi umano maituturing na rason ang kawalang-alam o ang pagka “ignorante” ni Danao sa mga bagay na ito. Kapabayaan umanong maituturing ang hindi man lang pag-pilit ni Danao na intindihin ang proseso ng mga bagay na makakaapekto at magbabalangkas sa kapakanan ng kanyang munisipyo partikular na ang pondo.
Sa kaso namang Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service ni Danao kung saan siya ay hinatulan ring guilty ng Sangguniang Panlalawigan, ang mga paglabag at kapabayaan umano ni Danao ay nagdulot ng hindi magandang imahe sa kanyang pagiging alkalde gayundin sa opisina nito partikular na rito ang pagkakaugnay ng suspendidong alkalde sa pagpapatayo ng ilegal na sabungan.
Sa ngayon ay sinusubokang kunan ng pahayag ng Palawan Daily ang kampo ni Danao.
Discussion about this post