Nagsalita na sa pormal na sesyon ng Sangguniang Bayan kanina, ika-7 ng Abril, si former NARRA MDRRMO Head Raymund Dela Rosa ukol sa kinasasangkutang face mask issue sa munisipyo.
Sa kanyang statement sa harap ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan, sinabi ni dela Rosa na siya ay ipinatawag ni Narra Mayor Gerandy Danao sa kaniyang opisina at siya ay isinailalim ni Dyoneseus Santos, appointed Municipal Administrator, sa isang “tactical interrogation.”
“April 2, ako ay nasa opisina at nagpi-prepare ng ating mga goods for delivery, for distribution. I was called by the Municipal Mayor na pumunta nga daw po sa mayor’s office,” ani ni Dela Rosa.
Ngunit bago pa man siya pumunta sa opisina ng alkalde, ayon kay dela Rosa, mayroon na umanong dalawang miyembro ng media ang pumunta sa kaniyang opisina at tinanong siya kung ipinasok niya sa MDRRMO ang sinasabing kontrobersiyal na 30,000 face masks ni Narra Vice Mayor Crispin Lumba.
“Prior to that ay may dalawang media man na pumunta sakin and the question asked was ‘Meron bang pinasok si Vice Mayor na 30,000 face masks?’ ‘Yung issue pa rin po. So sinagot ko naman po ‘yun,” ani ni Dela Rosa.
Matapos nito, ayon pa rin kay Dela Rosa, nang siya ay magtungo na sa opisina ng alkalde, umalis ang naturang mayor at sinimulan na ni Santos ang kanyang “tactical interrogation.”
“Pagdating ko po doon, umalis si mayor and I was ‘tactically interrogated’ by Mr. Santos, his words, actually; ‘This is a tactical interrogation.’ I was asked, technically, ang akin ha, ang interpretation po noon, ay gusto akong paaminin na talagang pinasok ko po ‘yung 30,000 face masks doon (MDRRMO) ni Vice Mayor so siyempre, sinabi ko naman po ‘yung totoo na wala naman po. After that, nag-invoke po ako ng right ko for council, kasi sabi ko iba na po ‘yung takbo ng questioning niya,” giit ni Dela Rosa.
Dagdag niya, bagaman sinagot niya na at pinabulaan ang umano’y anomalya sa libo-libong face masks na nasa kanyang opisina, nagpatuloy pa rin umano si Santos sa kanyang pagtatanong.
“Tinanong niya ako isa-isa kung kilala ko po daw ba ‘yung mga suppliers na ito. Siyempre hindi po ako sumagot dahil unang-una alam ko naman po ang karapatan ko bilang tao at bilang citizen ng Republika ng Pilipinas. Again I invoked my right against self-incrimination at tuloy-tuloy pa rin po ang line of questioning niya,” ani ni Dela Rosa.
“What I did was to say na ‘Sir you’re not in authority to do this, and there is a proper venue para po sa ganitong bagay’, but again nagpatuloy pa rin po si Sir Jun,” dagdag niya.
Dumating pa umano sa puntong tila nagbanta si Santos na siya ay tatanggalin nito sa lokal na MDRRMO at ililipat sa opisina ng alkalde, ayon kay Dela Rosa.
“Nagpatuloy pa rin po si Sir Jun na magsabi, even magsabi ng ‘Tatanggalin kita sa MDRRMO, ilalagay kita sa Mayor’s Office,’ so sabi ko, ‘Sige po.’”
Matapos nito, ayon pa din kay Dela Rosa, siya ay umalis na sa opisina ng alkalde at nang bandang hapon, ganap na 4:51 PM, kanya nang natanggap ang relieve order na nagmula kay Mayor Danao.
“Patuloy pa rin po kasi, tuloy-tuloy pa din, tumayo na po ako and then I said ‘This is abuse of authority’,” at umalis na po ako ng mayor’s office. Then after that, at 4:51pm na-receive ko na po ‘yung relieve order ko as MDRRMO ng bayan ng Narra,” anya ni Dela Rosa.
Matatandaang umani ng iba’t-ibang klase ng batikos sa social media si Dela Rosa nitong mga nagdaang araw matapos madawit sa umano’y anomalya sa biglaang pag-hinto ng MDRRMO sa pamimili ng face masks sa mga lokal na suppliers nito sa Narra.
Kumakalat din sa social media ngayon ang larawan ng opisyal na “face mask log book” ng MDRRMO kung saan makikita ang pangalan ng lahat ng sinasabing suppliers ng face mask, bilang o dami ng kanilang maibenebenta, at gayundin ang petsa kung kalian nila ito ibinenta sa lokal na pamahalaan.
Samantala, sa panayam ng news team kay Narra Vice Mayor Crispin Lumba noong Lunes, sinabi nito na hindi sana magkakaroon ng issue kung hindi sana naunang nagpa-radyo at media si Santos bagkus naipaabot sa SB ang saloobin ng mga lokal na suppliers.
“Kung hindi lang sana sila nagpa-media agad at nagpa-interview si Mr. Jun Santos na kesyo ýung inorder ko galing Cavite ay ýun na ýung binili o binayaran ng MDRRMO at ýun na ýung mga face masks na nasa MDRRMO ngayon, ay sana wala itong problema. Madali lang ‘yun gawan ng solusyon, puwede naman ýun bilhin ng ating lokal na pamahalaan,” dagdag niya.
Sa panayam naman ni Santos sa Palawan Daily News noong Lunes, sinabi nito na tuloy pa din ang imbetigasyon ng Narra Mayor’s Office sa mga lokal na supplier gayundin kay Dela Rosa.
Inaasahang matatapos ang imbestigasyon ni Santos ukol sa isyu pagkatapos ng dalawang linggo, ayon sa naunang panayam sa kaniya.
Discussion about this post