Patay ang isang forest ranger ng Department of Environment and Natural Respources o DENR matapos tagain ng mga illegal logger ganap na 5:00 P.M. noong September 4 sa Sitio Kinawangan, Bgy Pasadeña, El Nido, Palawan.
Nakilala ang biktima na si Bienvinido Severino Veguilla Jr, 44 taong gulang at residente ng Barangay Bagong Bayan.
Batay sa spot report na ibinigay ng El Nido Municipal Police Station sa Palawan Daily News, ang biktima ay tinaga habang nagsasagawa ng law enforcement operations.
Huhulihin sana ng biktima ang mga iligalista na namumutol ng punong kahoy subalit nanlaban ang mga ito at tinaga sa ulo ang biktima na nagawang mabaril ang isang suspek bago ito binawian ng buhay.
Samantala, kinumpirma naman ni Police Major Grace Vic Gomba, Officer In-charge ng El Nido Municipal Police Station, na agad silang nagsagawa ng hot pursuit operation para mahuli ang mga suspek na nakilalang sina Ricardo Fulgencio, Fernan”Filmam” Flores.
Ayon sa kaniya, matapos na maituro ng mga park rangers ang isa sa mga suspek na may tama ng baril na si Flores ay agad itong hinuli ng mga rumespondeng operatiba.
Nahuli rin sa patuloy na hot pursuit at follow operation ang suspek na si Fulgencio.
Samantala, kinumpirma rin ng pulisya na hinahanap pa nila ang suspek na si Glen Fulgencio at tatlong iba pa.
Sa ngayon ay inihahanda na nila ang kasong pagpatay na isasampa sa mga suspek.
Discussion about this post