Nilinaw ni DILG Provincial and City Director Virgilio Tagle na hindi requirement ang acceptance letter ng mga local government unit (LGU) para makauwi sa kani-kanilang mga lugar ang locally stranded individuals o LSI.
Kasunod ito ng ipinalabas na advisory ng Department of Interior and Local Government sa pamamagitan ni Undersecretary for Operations Epimaco Densing.
Sa ilalim ng nasabing advisory mula sa DILG, nakasaad na alinsunod sa National Task Force Against COVID-19 Order No. 2020-02, hindi maaaring tanggihan ng LGUs ang mga pauwing LSI pero pwedeng isailalim sa 14-day quarantine at rapid anti-body testing at iba pang health protocols.
Sa panayam ng Palawan Daily, sinabi ni Tagle na dapat itong sundin ng mga LGU sa Palawan dahil ito ang ipinatutupad sa buong bansa particular na sa pag-handle ng mga LSI.
“Bago ma-implement ‘yung guidelines, na-clarify na hindi dapat magre-require ng certificate of acceptance ‘yung receiving LGU. Kung may hinihingi man sila [LGUs] dati, wala na ngayon ‘yun kasi ang kailangan lang ay ang BHERT clearance o certification of quarantine at medical/health clearance,” paglilinaw ni Tagle sa panayam ng Palawan Daily.
Pinapayuhan din ang lahat ng local chief executives na sumunod sa inilatag na guidelines ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Matatandaan na sa Puerto Princesa una nang ni-require ang mga uuwi sa lungsod na kailangang kumuha rin ng acceptance clearance mula sa City Administrators Office.
Gayunpaman, sa pakikipag-ugnayan ng Palawan Daily News, sinabi ni Atty. Arnel Pedrosa na susundin nila ang kautusan mula sa DILG pero kailangan parin ng koordinasyon sa kanila upang malaman ang detalye sa pagbabalik ng locally stranded individuals sa lungsod.
Ito anya ay sa pagitan na ng city government at ng lokal na pamahalaan kung saan magmumula ang mga uuwing taga-Puerto Princesa.
“Wala na ‘yun at coordination na lang sa amin ang kailangan, at least alam namin na may mga pauwi na at LGU to LGU na ang coordination,” ani Pedrosa sa panayam ng Palawan Daily.
Discussion about this post