Bumisita sa Palawan si Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre H. Bello III na malugod namang sinalubong ni DOLE Provincial Director Luis Evangelista, kasama sina Undersecretary, Benjo Santos M. Benavidez, Asst. Regional Director Erwin N. Aquino, Director IV Maria Perida-Trayvilla, City Councilor Victor Oliveros, Board Member Ryan Dagsa Maminta at ni Governor Jose Chaves Alvarez para sa inagurasyon ng DOLE Palawan Field Office Building sa South National Highway, cor. Rafols Road, Brgy. Sta. Monica, Puerto Princesa, City na nagkakahalaga ng ₱30 Million at pagbibigay ng tulong pinansyal para sa TUPAD, Bikecination, Government Internship Program (GIP), Wounded in Action programs.
Sa pagbisita ni Bello, kulang umano ang benepisyaryo ng TUPAD at ini-utos nito na dagdagan pa ang makikinabang para dito at nangako ng karagdagang pondo para sa lungsod at lalawigan ng Palawan.
“Kaya rin kami na andito ay kasi magpayout tayo ng mga amelioration program ng Department of Labor. Kaya lang sinasabi ko kanina nung kami ay sumasakay na papunta dito galing Davao sabi ko Director Karen ilan ba ang i-payout natin doon sabi niya 141 beneficiaries?…yun yung pupuntahan natin kako?…141?…samantala nung andoon ako sa Laurel 4,000 [TUPAD beneficiaries] ang binigyan samantala dito sa Palawan sa lungsod ng Puerto Princesa 141 lang?…ang kunat naman ninyo ni director…kaya dagdagan mo,” ani Sec. Bello.
“O sige bigyan natin ng 10 million si Mayor Bayron kay Governor 20 [million].” dagdag pa nito.
Narito naman ang listahan ng mga benepisyaryo na ibinahagi ni Provincial Director ng DOLE Palawan na si Luis Evangelista:
- Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/ Displaced Workers (TUPAD)
-141 beneficiaries, ₱3,200.00 each
- Bikecination
-15 beneficiaries, ₱25,000.00 each
- Government Internship Program (GIP)
-50 beneficiaries, ₱3,520 each
- Wounded in Action
-1 beneficiary [Mother of AFP Marine, wounded during encounter], ₱20,000.00
Nagpasalamat naman si Palawan Governor Jose Chaves Alvarez sa kalihim, na present sa aktibidad maging si City Councilor Victor Oliveros bilang representante ni Mayor Bayron.
“Nagpapasalamat ako na dinalaw tayo ni dito ni Secretary…and dahil sa bisitang ito lalo ng mabigyang diin na yung mga kawani…kasi yung mga employees na hindi pa nakakatrabaho ay natutulungan ng DOLE…so hindi lang welcome kundi pasasalamat at sana tumagal ka dito [Palawan] at hindi ko lang alam kung busy karin…kung a-alis ka man sa araw na ito ay sana bumalik karin bukas at tuloy nating tulungan yung mga unemployed sa buong Palawan hindi lang sa City.” pahayag ni Gov. Alvarez.
“Maraming salamat po sa mga tulong, programa na ipinapaabot niyo po dito sa amin sa buong bansa sa pamamagitan po ng TUPAD at iba pa pong mga programa na napapakinabangan ng ating mamamayan.” pahayag naman ni Konsehal Victor Oliveros
Samantala, umaasa naman ang kalihim na bago magtapos ang kanyang panunungkulan ay dadami pa umano ang magiging benepisyaryo sa ilalim ng DOLE.
Discussion about this post