Nagbabala ang Environmental Legal Assistance Center (ELAC) sa mga negatibong epekto sakaling maaaprubahan ang panukalang batas sa Kongreso na payagang makapangisda ang commercial fishers sa mga dagat-munisipyo.
Ayon kay ELAC Executive Director Grizelda “Gerthie” Mayo-Anda, madedehado ang mga maliit na mangingisda kapag naisabatas ang House Bill No. 7853 na inihain ni Province of Cebu Third District Rep. Pablo John Garcia. Wala raw kasing ginawang pag-aaral bago kathain at isalang sa Kongreso ang nasabing hakbang. Dagdag pa niya, napakalaki ng papel na ginagampanan ng municipal waters sa mga mangingisda, lalo na sa mga tawid-buhay.
“Ang mga tawid-buhay na mga mangingisda, wala silang sariling bangka, ang iba riyan, de-sagwan lang [ang ginagamit],” aniya.
Kaya tanong niya, bakit papayagang mangisda sa municipal waters ang mga commercial fishing vessel gayung sila ang may kakayanang pumalot sa mas malayong parte ng karagatan dahil na rin kapasidad ng kanilang bangka at sa lapad at laki ng kanilang lambat at iba pang kagamitan.
“Imagine, kung papayagan mo ang commercial fishers na di taga-Palawan at papasok sa municipal waters natin, ‘yon ang sinasabi ko, ilalagay mo sa panganib, sa disadvantage ‘yong kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda,” pagbibigay-diin niya.
PAGHIKAYAT SA 3 KONGRESISTA NG PALAWAN NA TUTULAN ANG BILL
Nananawagan naman ngayon si Anda sa tatlong kinatawan ng Palawan na magsagawa ng konsultasyon sa iba’t ibang grupo ng mangingisda sa kanilang mga nasasakupan upang mabatid ang kanilang pulso. Kaakibat din dito ang pagtutol nila sa nabanggit na panukalang batas na batid umano niyang hindi pa alam ng karamihan sa lalawigan.
“Ang mga nahuhuli sa loob ng Palawan na mga commercial fishers ay di mga taga-Palawan; tagalabas sila. Doon sa mga data namin, lumalabas, tagalabas ng Palawan [ang mga violator],” ayon pa kay Anda kaugnay sa mga nahuhuling commercial vessel na pumapasok sa municipal waters.
Kung ang dahilan umano ay pandemya ay hindi pa rin ito sapat na dahilan upang amiyendahan muli ang “Fisheries Code” lalo na umano na mas magbibigay lamang ito ng problema at malaking trabaho sa mga municipal government unit.
HB 7853
Sa Explanatory Note naman ng nasabing panukalang batas, nabanggit na layon ng proposed bill na amiyendahan ang RA 8550 o ang “Fisheries Code of 1998” upang i-expand ang possible area of operation ng small at medium commercial fishing vessel sa mga municipal water.
Sa kasalukuyang batas, ang nasabing mga fishing vessel ay pinapayagan lamang na mangisda sa loob ng 10.1 hanggang 15 kilometer area mula sa shoreline ng isang municipal water. Dahil dito, mas malayo pa ang kanilang napapangisdaan kapag ang munisipyo at siyudad ay walang municipal waters.
“This pandemic has deliberate many industries and has left many workers destitute. All efforts must be exerted towards covering from this crippling period of our nation’s history,” ang nakasaad pa sa kopya ng panukalang batas.
Hiniling pa ng kongresista ang agarang pagsasabatas ng inihain niyang panukalang batas.
‘BAGONG BANTA SA SMALL-SCALE FISHERFOLK’
Sa impormasyon namang ibinahagi ng Oceana Philippines, isang non-profit organization na nakatuon sa karagatan, sa pamamagitan ng kanilang Facebook page kahapon, Abril 7, nakasaad ang mithiin nilang ibasura ang proposed measure.
“Small-scale fishers comprise majority of the Philippines’ fishing industry. Despite our rich marine resources, they rank as the second poorest basic sector in the country. Now, their livelihood is threatened by House Bill (HB) 7853, which seeks to allow commercial fishing within municipal waters,” ang caption ng post ng Oceana-Philippines.
Hinihikayat naman ng grupo ang publiko na makiisa sa mariin nilang pagtutol na ibasura ang HB 7853 upang maprotektahan at bigyan ng suporta ang mga maliliit na mga mangingisda, alinsunod din sa mandatong nakasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas.
“As a maritime nation, we are highly dependent on our coastal resources. Around 10 million Filipinos rely directly on small-scale fishers to meet household needs.”
Iginiit ng grupo na kapag naaprubahan ito ay masisira lamang ang fisheries resources, marine habitats, at maging ang kabuhayan ng mahirap na sektor.
“Municipal waters keep us alive. Healthy ecosystems in municipal waters serve as habitat and breeding grounds for various marine organisms. They also help us mitigate the effects of the climate crisis,” batay pa sa Oceana-Philippines.
Negatibo rin ang naging reaksyon ng isang mangingisda at seaweed farmer na si Jebrel Ompad na kasalukuyan ding presidente ng Green Island Fisherfolk Association (GIFA) sa Bayan ng Roxas.
“Dapat hindi [‘yan] payagan; lalong [magiging] kawawa ang maliliit na mangingisda katulad naming taga-isla,” ani Ompad.
Discussion about this post