PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 22 (PIA) — Masayang ibinalita ni Mayor Maryjean D. Feliciano sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) dito na magkakaroon na ng bagong bahay pamahalaan ang bayan ng Brooke’s Point.
Isasagawang ang ‘groundbreaking ceremony’ ng bagong municipal hall sa Agosto 24 ng umaga. Itatayo ang nasabing gusali sa government center na matatagpuan sa Bgy. Tubtub. Pinondohan ito ng halagang P100 milyong piso.
“Kailangan na ng bagong gusali dahil ang ‘feedback’ mula sa mamamayan ay maganda ang serbisyo ng lokal na pamahalaan subalit masikip at hindi komportable sa ‘transacting public’ at gayundin sa mga empleyado. Halos lahat ng departamento ay gumawa na ng sariling extension (mini second floor) para matugunan ang pangangailangan sa mas malaking opisina”, pahayag ni Mayor Feliciano.
Paghahanda na rin umano ito, ayon pa sa alkalde sa paghahati ng lalawigan ng Palawan sa tatlong probinsiya kung saan ang Brooke’s Point ang napili ng mga Mayor sa Southern Palawan na maging capital ng mabubuong Palawan Del Sur province.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang Regional Trial Court, Land Transportation Office (LTO), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) District Jail at Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) ang Brooke’s Point. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Discussion about this post