Nagbaba ng isang kautusan ang Provincial Government ukol sa mga magbabalik sa Lalawigan ng Palawan, alinsunod sa mga napagkasunduan sa pagpupulong ng Provincial Task Force for COVID-19 at inaprubahang Resolution No. 7 kamakailan.
Sa Executive Order No. 81 o ang “Guidelines for the Management of Inbound Travelers to the Province of Palawan” na inilabas ni Gob. Jose C. Alvarez kahapon, Agosto 24, nakasaad ang mga ipatutupad na mga bagong patakaran na layong patuloy pang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan.
Sa post ng PIO-Palawan, ipinabatid ng ahensiya na kabilang sa mga ito ay ang pagkakaroon ng Accredited Point-To-Point (P2P) Transport na sasakyan ng mga uuwi sa iba’t ibang mga munisipyo na kinabibilangan ng Locally Stranded Individuals (LSIs), Returning Overseas Filipinos (ROFs) at Authorized Persons Outside Residence (APOR).
Batay pa sa napagkasunduan ng mga LGU at transporter, sasagutin na rin ng nasabing mga indibidwal ang kanilang pamasahe pauwi ng mga munisipyo at magkakaroon din ng designated drop-off point na tinukoy ng bawat LGU sa kanilang munisipyo upang maiwasan ang exposure ng mga returnees sa mga residente.
Mananatili pa rin ang mahigpit na monitoring ng bawat LGU sa kanilang mga itinalaga at accredited quarantine/isolation facilities na pansamantalang pinaglalagakan ng mga LSIs, APORs at ROFs habang ilalagay sa Island Isolation Facility ang mga asymptomatic o hindi nagpapakita ng anumang sintomas na mga magpopositibo sa Coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Discussion about this post