Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG)-Palawan Provincial Director Engr. Rey S. Maranan sa pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) na malapit ng mai-release ang pondo para sa pagpapatayo ng ‘halfway house’ para sa mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan.
Pinondohan ito ng DILG-Mimaropa ng halagang P5 milyon. Ang nasabing halaga ay para lamang sa konstruksiyon ng ‘halfway house’ sa government center sa Brgy. Irawan, Puerto Princesa.
Ayon kay PD Maranan, kompleto na ang mga papeles ng nasabing proyekto, maging ang Memorandum of Agreement (MOA) ay naihanda na at dumaan na sa tamang proseso, kaya’t hinihintay na lamang ang pagre-release ng tseke para dito.
Ayon naman kay Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Abigail Ablaña, ang kabahagi dito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ay ang lugar kung saan ito itatayo, gayundin ang iba pang kagamitan sa loob ng ‘halfway house’ at ang pamamahala nito.
Ang ‘halfway house’ ang magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga rebelde na nagbabalik-loob sa pamahalaan habang sila ay sumasailalim sa repormasyon.
Magiging katuwang ng PSWDO sa pamamahala ng nasabing pasilidad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular ang Western Command (WESCOM) at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Palawan Field Office.
Simula taong 2013 hanggang sa kasalukuyan ay nasa 120 na ang naitatala ng PSWDO na mga dating rebelde ang nakabalik na sa kani-kanilang komunidad matapos na sumailalim sa repormasyon at natulungan ng programang Enhance Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na ipinatutupad ng pamahalaang nasyunal at and Local Social Integration Program (LSIP) na ipinatutupad naman ng pamahalaang panlalawigan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Discussion about this post