Ligtas ang acting chief of police (ACOP) ng Dumaran MPS at ang isa pang kasamang pulis sa naganap na pananambang ng mga New People’s Army (NPA) dakong 6:10 AM ngayong araw sa bahagi ng Ibangley, Brgy. Abongan, Taytay, Palawan.
Kinilala ang mga biktima na sina Dumaran MPS ACOP PCapt. Erwin Hernandez Carandang at PCpl. Mark Russel Soniel Evangelista na siya namang nagmaneho ng ginamit nilang patrol car ng mga sandaling iyon.
Sa spot report mula sa Palawan Police Provincial Office (PPO), nakasaad na iniulat ni Roxas MPS Chief of Police, PMaj. Analyn Palma ang insidente sa Taytay MPS kaninang 9 am sa pamamagitan ng tawag sa telepono.
Sa isinagawang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na habang sakay ang mga biktima sa kanilang mobile patrol car mula sa kanilang area of responsibility at patungo sa Bayan ng Roxas para sa isang official mission nang pagdating nila sa lugar ng insidente ay pinaputukan sila ng ilang katao at tinamaan ang kanilang sasakyan.
Sa kabutihang palad ay wala naman umanong nasaktan o napahamak sa panig ng mga biktima matapos ang insidente.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kinauukulan.
Sa kabilang dako, inako naman ng Bienvenido Vallever Command (BVC) NPA-Palawan ang naganap na insidente na tinawag nilang “ambush.”
“Ang pamamarusang ito ay bilang pagpapaalaala sa rehimeng US-Duterte at kay [Palawan Gov.] Jose Chaves Alvarez na mabibigo ang PPTF-ELCAC. Ito rin ay bilang tugon sa hinaing ng mamamayang Palawenyo na parusahan ang mga pasistang ahente ng rehimen,” ang ipinadalang pahayag ng tagapagsalita ng NPA-Palawan na si Salvador Luminoso.
Ayon pa sa tagapagsalita ng NPA-Palawan, wala ring nasawi sa kanilang hanay.
Discussion about this post