Mahigit 200 residente mula sa mga bayan ng Brooke’s Point at Sofronio Española ang inilikas nitong Lunes, Enero 13, dahil sa matinding pagbaha na dulot ng malalakas na ulan.
Sa Brooke’s Point, 21 pamilya mula sa Barangays Ipilan, Mambalot, at Aribungos (96 katao) ang dinala sa mga evacuation center, habang 11 pamilya (55 katao) mula sa Barangay Mambalot ang tumuloy sa mga tahanan ng kanilang mga kamag-anak.
Iniulat na umapaw ang mga ilog sa naturang munisipyo at nagdulot ng pagbaha sa mga kalsada particular sa mga barangay ng Ipilan, Barong-Barong, Mambalot, Ipilan, Maasin, Mainit, at Calasaguen. Ayon naman sa local na MDRRMO, bumalik na sa normal ang kalagayan ng mga kalsadang ito, ngunit inalerto pa rin ang mga residente sa posibleng muling pagbaha.
Samantala, 48 pamilya naman mula sa Barangays Pulot Center, Pulot Shore, at Iraray sa Sofronio Española ang inilipat sa evacuation centers, kasama na ang 158 katao, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Tinamaan din ng pagbaha ang ilang bahagi ng mga kalsada sa mga barangay ng Sofronio Española kagaya ng Pulot Center, Labog, at Panitian. Dahil sa pagbaha, maraming motorista ang na-stranded, ngunit patuloy ang mga operasyon ng mga awtoridad upang mapabilis ang pag-aalis ng mga sagabal at makapagpatuloy ang daloy ng trapiko.
Ang mga lokal na awtoridad ay patuloy na nagsasagawa ng mga hakbang upang matulungan ang mga apektadong pamilya at masiguro ang kaligtasan ng mga residente. Habang nagpapatuloy ang pag-monitor ng mga awtoridad, nanatiling bukas ang mga evacuation centers upang tumanggap ng mga evacuees mula sa iba pang apektadong barangay.
Discussion about this post