Simula kaninang 12:01 ng madaling araw ng Martes ay ipinatupad na ang Enhanced Community Quarantine sa mga Critical Zone sa mga barangay Poblacion 1 hanggang 6 at Tagumpay sa Bayan ng Coron.
Sa paabisong ipinaskil ng Coron Public Information Office sa kanilang social media page, ipinabatid nila sa kanilang mga nasasakupan na magtatagal ang nasabing kautusan mula ngayong araw, Setyembre 8 hanggang
12:01 ng madaling araw ng Lunes, September 21, 2020 o sa loob ng 14 araw.
Dagdag pa sa paabiso ay ang mga panuntunan gaya ng mahigpit na ipinagbawal ang pampribado at pampublikong byahe papasok at palabas sa mga critical zone maliban na lamang kung health emergency. Ang goods, supplies at mga cargo naman na para sa konsumo ng mga residente ay point-to-point lamang ang pick-up.
Mahigpit ding ipatutupad ang 24/7 curfew hours at tanging ang mga frontliner at mga empleyado ng essential services lamang ang pahihintulutang lumabas.
Pinahihintulutan namang magbukas ang bangko, remittance services, piling mga grocery stores, drug stores, medical clinics, water refilling stations, palengke, mga piling bakery at mga service provider ng kuryente, tubig, gasolinahan, at shipping services. Ang mga hindi naman nabanggit ay sarado at walang operasyon.
Mahigpit din ang kautusan na mananatili lamang sa kanilang lugar na kanilang pinagtatrabahuan (in-house/stay-in) ang mga empleyado ng essential services.
Mga pangangailangan naman na mga pagkain at gamot ng mga residente ay maaari lamang na ipabili sa kanilang mga opisyales ng barangay. Sa araw ng Lunes ay naka-iskedyul ang Barangay Poblacion 1, sa Martes ay Poblacion 2, 3, 4; Miyerkoles ay Poblacion 5, Huwebes ay Poblacion 6, Biyernes ay Brgy. Tagumpay; Sabado ay Lajala, Bintuan, Guadalupe, San Nicholas, Decabobo, Buenavista at Malawig habang sa Linggo naman ay ang mga barangay ng Decalachao, San Jose, Borac, Marcilla, Turda, Cabugao, at Banuang Daan.
Makikisuyo lamang din sa kani-kanilang mga opisyales ng barangay ang mga may transaksyon sa mga remittance center at ATM maliban na lamang kung aabot na ito sa malaking halaga gaya ng P50,000 pataas na pahihintulutan ngunit kailangan lamang na makipag-ugnayan sa mga barangay officials at Municipal Emergency Operations Center (EOC).
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagtitipon-tipon at lubos na pinakikiusapan ang lahat ng lider ng mga simbahan na ipagpaliban muna ang mga aktibidad may kaugnayan sa relihiyon.
Ganoon din, bawal ang lahat ng uri ng leisure activities sa critical zones at buffer zones.
Ang mga ibinigay noong vehicle passes ay hindi na rin valid dahil sa ngayon ay mga sasakyang itinalaga lamang para sa mga barangay ang pahihintulutan ng essential services.
Ang mangangasiwa naman sa pagpapatupad ng katahimikan at kaayusan at magtitiyak sa pagtalima sa community quarantine protocol at local health ordinances ay ang PNP, AFP, at BFP, katuwang ang mga barangay official.
Mahigpit ding ipinaalaala ng lokal na pamahalaan ng Coron sa kanilang mga nasasakupan na ang sinumang lumabag sa mga panuntunan ay maaaring patawan ng kaso na may kaakibat na multa at pagkakulong.
Samantala, anumang concern kaugnay sa ECQ protocol ay maaarin namang idulog sa Municipal EOC sa pamamagitan ng pagteks o pagtawag sa numerong 0945-692-6123.















Discussion about this post