Inilunsad noong Biyernes, Pebrero 18, ang pormal na inagurasyon at pagbubukas ng Sofronio Española District Hospital (SEDH) at ng El Salvador Water System sa nasabing munisipyo.
Kaakibat ng misyon ng Palawan Provincial Government, Department of Health (DOH), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Sofronio Española na palawakin at paigitingin ang serbisyong patubig, medikal, at pangkalusugan sa mga kababayan sa nasabing bayan, itinayo ang SEDH sa Purok Bulubundukin, Barangay Pulot Center kasabay ang El Salvador Water System na siyang magsisilbing pangunahing source ng tubig na maiinom sa lahat ng mga barangay ng Sofronio Española.
Kahalintulad ng mga naunang naitayong district hospitals sa probinsya ng Palawan, ang SEDH ay nasa infirmary level at mayroong 12-bed capacity. Ang ospital ay mag-aalok ng iba’t-ibang libreng serbisyo para sa mga mamamayan at pasyente ng nabanggit na munisipyo.
Ang konstruksyon ng bagong pagamutan ay magkatuwang na pinondohan ng Pamalaang Panlalawigan, DOH at ng lokal na pamahalaan ng Sofronio Española. Tinatayang nasa mahigit P58.8 milyon ang inilaang pondo ng mga ito upang matagumpay na maitayo ang ospital. Bukod rito ay naglaan rin umano ng P5 -milyon ang kapitolyo upang makapamili ng mga bagong kagamitan para sa pagamutan.
Ang SEDH ay ang ika labing-dalawang ospital na naitayo at nabuksan sa probinsiya sa ilalim ng termino ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez.
Dagdag ni Alvarez, sinimulan na rin nilang pag-usapan ang paglalagay ng operating room sa bagong pagamutan gayun na rin ang pag-aalok ng Caesarean Operation dahil umano sa naitalang mataas na kaso ng teenage pregnancy sa bayan ng Sofronio Espanola.
Samantala, ang El Salvador Water System naman na naitayo sa sentro ng Sofronio Española, ay isa sa pinakamahirap na proyektong patubig na naisakatuparan ng Pamahalaang Panlalawigan, ayon kay Alvarez.
“80 kilometro mula rito sa sentro ang pinagkunan ntin source ng tubig para maisakatuparan ang proyektong ito at malagyan ang lahat ng barangay ng Sofronio Española ng kanya-kanyang tubig,” ani Alvarez.
Sa ngayon ay inaasahang hindi na mahihirapang mag-igib ang mga residente ng mga barangay sa nasabing bayan mula sa mga balon na ilang dekada na rin ang tanda. Bukas na rin para sa mga pasyente ang bagong pagamutan na mag-aalok rin ng konsultasyong medikal at kalusugan sa mga residente ng munisipyo.
Discussion about this post