Isang bangkang pangisda na may sakay na 12 pahinanti ang napaulat na sumadsad sa north reef ng Ursula Island na isang santuwaryo ng mga dumarayong ibon sa Bayan ng Bataraza.
Sa impormasyong ibinahagi ng Coast Guard District Palawan (CGDP), nakasaad na dakong 1:45 pm noong Hulyo 31 nang makatanggap ng tawag ang Coast Guard Sub Station Rio Tuba na may isang commercial fishing vessel ang sumadsad sa Ursula Island Game Refuge and Bird Sanctuary sa Brgy. Rio Tuba.
Agad naman umanong umaksyon ang ang mga tauhan ng nabanggit na istasyon ng PCG at nagsagawa ng search and rescue operation upang kumpirmahin ang ulat.
Napag-alamang pagmamay-ari ng Irma Fishing and Trading Corp. ang nabahura na bangkang pangisdang Chris Paul Bill-III.
Dahil sa pagkakasadsad ay agad na nagsagawa ng pag-inspeksyon ang Philippine Coast Guard upang matiyak na walang butas ang bangka na posibleng pagmulan ng pagkalat ng langis sa dagat.
Sa isinagawa naman umanong imbestigasyon sa kapitan ng nasabing bangka, isinalaysay niyang bandang 5 am noong Hulyo 31 habang nangingisda sila sa karagatang bahagi ng White Shole humigit-kumulang 13 nautical miles mula sa isla ng Ursula ay sinalubong umano sila ng malakas na hangin at alon. Dahil dito ay nagdesisyon silang kumubli muna sa isla ngunit hindi lamang umano nila namalayan na napunta na sila sa mababaw na bahagi ng isla na naging dahilan ng kanilang pagsadsad.
Dakong 6:30 am naman noong unang araw ng Agosto, sakay ng AB-O81 ay muling bumalik ang mga kawani ng PCG Sub Station, kasama ang Marine Environmental Unit Palawan sa lugar ng pinagsadsadaran at napag-alaman nilang naalis na sa pagkakabahura ang Chris Paul Bill-III nang tumaas ang dagat.
Sa kasalukuyan ay nakaangkorahe ang nasabing bangka sa pier ng Brgy. Rio Tuba habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng DENR ukol sa pinsala ng bahura. Pinayuhan din ng Coast Guard Sub Station Rio Tuba ang kapitan ng sangkot na bangka na kumuha ng sea worthiness mula sa MARINA bago payagang muling makapaglayag.
Sa hiwalay na panayam naman sa chairman ng HARIBON-Palawan na si Boy Magallanes, inihayag niyang aalamin ng mga miyembro ng Protected Area Management Board (PAMB) Ursula ang pinsala ng bahurang nasadsaran ng fishing vessel sa araw ng Biyernes, kasama ang mga kawani ng DENR-CENRO Brooke’s Point, PCSD Staff, BFAR at Provincial ENRO. Ang HARIBON-Palawan ay miyembro ng PAMB-Ursula simula pa taong 1994.
Dagdag pa ni Magallanes, matapos ang assessment, magsasagawa rin sila ng mapping activities, at underwater survey ukol sa damage area per square meter at percentage ng napinsalang mga bahura bago ang posibilidad ng pagmumulta sa kompanya na may-ari ng nabanggit na commercial fishing vessel.
Discussion about this post