Bilang bahagi ng ika-46 taong Buwan ng Nutrisyon sa bansa ngayong Hulyo, muling ipinaalaala ng Provincial Nutrition Office sa mga ina o sinumang nangangalaga sa sanggol at mga bata na mahalaga ang unang 1000 araw ng kanyang paglaki sa sa pag-unlad o pag-develop ng kanyang kalusugan.
“Kapag nabansot sa first 1,000-days ng buhay, apektado ang development ng utak, katawan, at kinabukasan. Tiyakin ang tamang paglaki ng baby. Sumangguni sa inyong barangay nutrition scholar para matuto ng tamang nutrisyon para maiwasan ang pagkabansot ng inyong anak,” ayon kay Provincial Nutrition Officer Rachel Paladan.
Ang temang “Batang Pinoy, SANA TALL…Iwas stunting, SAMA ALL! (Iwas all din sa COVID-19!)” ang pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ngayong taon ay nakasentro sa paglaban sa COVID-19 pandemic at sa stunting o pagkabansot ng mga bata. Ang mga batang nakararanas ng pagkabansot ay iyong mga hindi nakamit ang tangkad na naaayon sa edad nito at sa oras na dumating sa ganitong kalagayan ang mga bata, hindi na umano kailanman mababago pa kung napabayaan ang unang 1,000 araw.
Sa ibinahaging malnutrition prevalence rate ni PNO Paladan, ukol sa Stunting Prevalence Rate mula 2015-2019, patuloy ang pagbaba ng porsyento ng nagkakaroon nito mula 27.87% noong 2016, bumaba ito sa 18.91% noong nakaraang taon.
Pagdating naman sa underweight Prevalence Rate, nakasaad na mula sa 9.84 noong 2015, bumaba ito sa 8.86% noong 2019.
Samantala, sa Wasting Prevalence Rate, nasa 7.99 percent noong 2016 at 7,25% na lang noong 2019. Ngayong taon ay hindi nakapagsagawa ng kaparehas na mga aktibidad ang PNO para i-monitor ang mga bata sa iba’t ibang barangay sa lalawigan sanhi ng banta ng COVID-19.
Matatandaang sa nagdaang mga pag-aaral na isinagawa ng FNRI, tumaas ang bilang ng stunting at wasting sa buong bansa na nakababahala umano kapag nagpatuloy pa sa mahabang panahon.
Discussion about this post