Nagpahayag ng pagka-dismayado ang kampo ni Narra Mayor Gerandy Danao ukol sa naging pagbasura ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa Motion of Preventive Suspension na kanilang inihain laban sa ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra, gayundin sa naging pasya ng mga itong huwag nang magdaos ng normal na face to face hearing sa pagdinig ng kaso sa kapitolyo.
Sa idinaos na press conference ng mga kampo ni Danao ngayong araw, Setyembre 10, sinabi ng suspendidong alkalde na tila hindi na makatarungan para sakanya ang naging desisyon ng Sangguniang Panlalawigan.
“Parang hindi na yata makatarungan para sakin ang mga nangyayari,” ani Danao.
Kasama ng alkalde sa kanyang ginawang press conference ang dalawa nitong abogado na sina Atty. Edwin Gastanes at Atty. Joseph Allen Quinon gayundin ang kanyang Municipal Administrator na si Jojo Gastanes na tumatayong tagapagsalita rin ng suspendidong alkalde.
Ayon naman sa abogadong si Gastanes, apketado ang kapasidad ni Danao upang dumepensa at maglatag ng mga ebidensiya at witness patungkol sa mga kasong isinampa niya laban kay Vice Mayor Crispin Lumba at mga kasamahan nito.
“Hindi na magkakaroon ng pagkakataon si Mayor Danao na suportahan ang kanyang isinampang kaso dahil doon sa desisyon,” ani Gastanes.
“Noong mag-usap kaming mga abogado niya kasama si Mayor Danao kahapon, narinig at naramdaman namin ‘yung kanyang pagka-dismaya sapagkat inaasahan niya na’ yung nga kasong isinampa niya ay magkakaroon ng pagkakataon si Mayor Danao na isiwalat o isumite ang kanyang mga ebidensiya,” dagdag ni Gastanes.
Sa ngayon ay tinitingnan ng kampo ni Danao kung ano ang mga opsiyon o hakbang ang kanilang gagawin hinggil sa inilabas na omnibus order ng Sangguniang Panlalawigan.
Matatandaang noong nakaraang araw ay inilabas ng Sangguniang Panlalawigan ang naturang apat na pahinang omnibus order na naglalayong suspendihin ang oral proceedings ng kasong isinampa ni Danao sa anim na miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra gayundin ang pagbabasura ng Motion for Preventive Suspension ni Danao laban sa anim na miyembro ng konseho.
Discussion about this post