Wala umanong mali sa ginawa ni Palawan Governor Jose Chaves Alvarez sa pagpunta at paghiling sa National Inter-Agency Task Force COVID-19 na matuloy ang plebisito kaugnay sa pagtatatag ng tatlong probinsya sa Palawan, ito ang binigyang diin ni Winston Arzaga, tagapagsalita ng Pamahalaang Panlalawigan sa panayam ng programang “News Room” sa Palawan Daily News.
Ayon kay Arzaga, normal lang bilang gobernador na mag-follow up at kausapin ang dapat kausapin para matuloy lamang ang plebisito dahil isa itong batas.
“Kung ikaw naman ang gobernador talagang ilalapit mo yan, kakausapin ang dapat kausapin para matuloy ang plebisito walang mali doon. Bilang gobernador responsibilidad mo yan kasi may batas na dapat ma-implement,” ani Arzaga.
Sinagot din ni Arzaga ang sinasabi ng One Palawan Movement na sana ipagpaliban ang plebisito at tutukan na lang muna ang kinakaharap na pandemya.
Saad nito na kayang-kaya na ma-control ang COVID-19 sa lalawigan at hindi umano dapat maging hadlang ang pandemya para hindi matuloy ano mang aktibidad gaya sa ibang bansa.
“Napakababa ng incidence of COVID-19 cases sa Palawan. Isa tayo sa pinakamababa compared sa ibang probinsya. Ilan lamang ang kaso natin dito? 157 napababa yun. Ibig sabihin ito ay something manageable gagampanan ng ating mga frontliners-sa Malaysia nagkaroon ng election. Yung America mag-e-election sa November ay mas maraming COVID-19 cases doon kumpara naman sa Palawan. Hindi nangangahulugan na may pandemya ay tigil na lahat ng mga aktibidad. Hindi po ganun. Ito po ay isang batas na dapat ipasunod at ang importante lang manageable ang problema ng pandemic dito sa atin,” karagdagang pahayag ni Arzaga.
Discussion about this post