Unang araw pa lamang ng bagong talagang Field Office Head ng Department of Labor and Employment (DOLE) Palawan na si Luigi Evangelista ay sumabak na kaagad ito sa press conference kasama ang Employees’ Compensation Commission (ECC) nitong Lunes, Enero 28.
“I’m so happy na upon my first day ay media kaagad ang kaharap ko. Sana maging partner tayo sa information dissemination ng mga programa ng DOLE,” pahayag ni Evangelista sa mga media ng Palawan.
Mahigit na dalawang dekada na ang panunungkulan ni Evangelista sa DOLE at bago pa man siya mailipat sa Palawan ay nagsilbi siya ng mahigit sampung taon bilang Field Office Head sa Marinduque.
Nakahanda umano si Evangelista na magbigay ng pantay na pagtingin para sa mga employer at employees ito man ay malaki o maliit na kumpanya sa Palawan para sa pagreresolba ng mga problema na ilalapit sa kanyang ahensya.
“Bilang head naman ay hindi ko sinasabi na perpekto ako pero hangga’t maaari iyong dedication ko lang sa trabaho and pagiging fair both the workers and the employers hindi kasi pupwedeng may kikilingan, lagi tayo sa kung ano ang tama,” dagdag ni Evangelista.
Tiniyak din niya na sa ilalim ng kanyang panunungkulan sa Palawan ay bibigyang prayoridad niya ang bawat programa at serbisyo ng ahensya.
Binalaan din ng bagong talagang Field Officer Head ang mga kasamahan na hindi lahat ng sumbong ng empleyado ay tama, may mga pagkakataon lamang umano na nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan o kaya nama’y nagkaroon din ng kakulangan sa isang manggagawa.
“Kasi ang alam lang ng empleyado lagi is lahat ng kanilang reklamo ang tingin nila sila ang tama pero kung titignan natin mayroon tayong tinatawag na management prerogative na kung saan ang akala ng empleyado sinisikil na yung kanilang karapatan pero nakasaad din yan sa labor code natin yung tinatawag natin na management prerogative,” saad ni Evangelista.
Sinabi pa niya na kung may karapatan ang mga manggagawa ay may karapatan din ang mga management at iyon umano ang minsan ang dahilan ng hindi pagkakaintindihan.
Ipinaliwanag din ni Evangelista ang Single Entry Approach (SEnA) na kanilang ginagawa sa pagsasaayos ng mga reklamo sa pagitan ng employer at manggagawa upang maiwasan na makaabot na sa korte kung saan mas mapapatagal ang proseso.
“Mayroon tayong approach na yung tinatawag natin na SEnA. Ito yung Single Entry Approach natin na dito bale yung parang mandatory conciliation mediation within 30 days dapat ay maresolba kung saan walang desisyon na mangyayari kundi magkakaroon lang ng compromise agreement both parties,” ani Evangelista.
Dagdag pa niya, “pinipigilan natin na may mag pop-up na mga labor cases kasi kapag alam naman natin na kapag naging labor case yan inaabot ng taon lalo na kung medyo malalaking kumpanya minsan nakakarating hanggang sa Supreme Court.”
Nangako naman si Evangelista na magiging bukas ang kanyang tanggapan sa mga tanong, hinaing o sumbong patungkol sa DOLE at sa mga programa nito.
Discussion about this post