Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act ang pitong indibidwal matapos mahulihan ng walang permit na mga sea horse at sea dragon sa Bayan ng Taytay.
Kinilala ang mga suspek na sina Rachell Agudo Dimasupil, 27 taong gulang, binata, drayber, residente ng Brgy. Liminangcong, Taytay, Palawan; Alvin Reyes Balaoing, 33, may kinakasama, construction worker, residente ng Brgy. Liminangcong, Taytay; Maricel Tajala Lim, 35, biyuda, housekeeper, at residente ng Brgy. Aribungos, Brooke’s Point; Harate Hail Edaloson, 38, walang trabaho, at residente ng Bgry. Barong-barong, Brooke’s Point; Christina Codilla Buhat, 30, may asawa, walang trabaho, at residente ng Poblacion, Taytay; Cheryl Beya de Guzman (business partner), 38, may asawa, negosyante, residente ng Poblacion, Taytay; at Gouhua Song (business partner), 48 anyos, Chinese national, residente ng People’s Republic of China ngunit pansamantalang namamalagi sa Poblacion, Taytay at ngayon ay pinaghahanap ng batas dahil sa insidente.
Base sa ibinahaging spot report ng Palawan PPO, pasado 5 pm kahapon nang makatanggap ang Taytay MPS ng impormasyon na ang isang pulang Ford pick-up na may plate number GPS 160 na pagmamay-ari ni Remy Segura na residente ng Bacolod City at kasalukuyang namamalagi sa Brgy. Liminangcong, Taytay ay may lamang di pa madeterminang bilang ng mga sea horse at sea dragon.
Kaugnay nito ay ikinasa ang joint operation ng Taytay MPS, PCSD at ng pamunuan ng Brgy. Poblacion na kinatawan ni Kgd. Rolando Catarbas ang Oplan Sita/checkpoint bandang 11 pm sa Sitio Arado 1, Brgy. Poblacion sa nasabing bayan upang makumpirma ang ulat. Nang dumaan ang nabanggit na sasakyan sa nabanggit na petsa at lugar ay kanila itong pinara upang inspeksyunin at sumalubong umano sa team ang masangsang na amoy mula sa mga kanon na nakalagay sa likurang bahagi ng kotse.
Nang buksan ng apprehending team ay tumambad umano sa kanila ang humigit-kumulang 27 kilo ng sea horse at 78 kilo ng sea dragon, mga endangered species na nagkakahalaga ng P696,000 ngunit walang kaukulang dokumento mula sa proper agencies. Sa puntong iyon ay dumating umano si de Guzman at sinabing siya ay co-owner ng mga nakumpiskang aytem habang ang kanyang co-partner naman ay ang Chinese national na si Gouhua Song.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng PCSD Staff ang mga nakumpiskang ebidensiya habang ang inarestong mga indibidwal ay nasa kustodiya ng Taytay MPS. Inihahanda na rin ngayon ang kasong isasampa laban sa mga suspek ukol sa paglabag sa RA 9147 sa Provincial Prosecutor’s Office.
Discussion about this post