Aawat lamang sana sa away ng kaniyang kapatid at live-in partner nito ang isang lalaki sa Bayan ng Brooke’s Point, Palawan noong madaling araw ng Nobyembre 5, 2020 nang tagain siya ng kinakasama ng kaniyang kapatid.
Kinilala ang biktima na si Joel Gumbangan, 26 anyos, may asawa, drayber at residente ng Brgy. Aribungos, Brooke’s Point, Palawan habang ang suspek ay si Michael Dayula, 22 anyos, vendor at residente rin ng nasabing lugar.
Sa spot report ng Palawan Police Provincial Office (PPO), nakasaad na dakong 12:30 am ng Nobyembre 5 ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang kapatid na babae ng biktima at ang kaniyang live-in partner/suspek. Sa kalaunan ay pinukpok ng suspek ang kapatid ng biktima dahil sa selos. Bunsod nito ay tumungo ang biktima sa tahanan ng kaniyang kapatid upang awatin sila sa kanilang pag-aaway ngunit kinuha umano ng suspek ang kanyang itak, hinabol sila, at tinaga ang biktima ng ilang beses.
Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa kanyang ulo at likod. Agad naman itong isinugod sa Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) upang magamot.
Sa update ng PPO, kasalukuyan pa ring tinutugis ang suspek sa krimen.
Discussion about this post