Kasabay ng paggunita ng 2022 Education Summit ng Department of Education noong Marso 10, ibinahagi ng kagawaran ang Division Superintend Roger F. Capa ang pagsisimula ng simulation limited face-to-face class sa Palawan.
Ayon kay Capa, inaasahang magsisimula na ngayong Marso ang pagpapatupad ng simulation ng limited face-to-face class sa mga piling high school sa lalawigan na dadaluhan ng regional director at monitoring team ng DepEd.
Naging basehan umano sa pagpili ng mga paaralan na isasama sa limited face-to-face class ngayong Marso ay ang mababang kaso ng COVID-19 sa lugar, suporta ng local government unit at maging ang pasilidad ng mga eskwelahan kagaya ng maayos na handwashing area.
Mahalaga umano ito upang masuri ang kahandaan ng mga paaralan kung sakaling tuluyan nang magbubukas ang mga paaralan pagkatapos ng mahigit dalawang taong pagharap sa pandemiya.
Paggbubukas ng Limited Face-to-face Class
Sa pagsisimula ng face-to-face class, inaasahan na fully vaccinated na ang mga guro at mga mag-aaral na kasama rito. Mahigpit ding ipapatupad ang health protocols kagaya ng pagsusuot ng face mask, pagpapanatili ng social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay.
Nilinaw naman ni Lois T. Claesillas, medical officer ng kagawaran, na hindi mandatory sa mga mag-aaral na maging bakunado sa pagsalang nito sa face-to-face class ngunit hinihikayat umano nila ang mga ito, lalo na ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang magkaroon ng proteksyon sa COVID-19.
“Meron po tayong memo sa DepEd na supposedly ang mga teachers for face-to-face is fully vaccinated pero sa students naman po they are preferred na vaccinated… pero hindi po pinipilit, it’s not mandatory na ang teachers natin at ang students natin ay talagang sapilitan na magpapabakuna, we are encouraging them” ayon kay Claesillas.
Binigyang-diin naman ni Capa na ang desisyon umano ng pagpapabakuna sa mga mag-aaral ay nasa mga magulang.
“Kami po sa DepEd ay manghihikayat lamang pero ang desisyon ay nasa magulang… kung ayaw ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay sumali sa limited face to face, pwede po” saad ni Capa.
Kung sakaling hindi papayag ang mga magulang sa nasabing face-to-face class ay mananatili ang mga mag-aaral sa modular learning.
Ayon pa kay Capa, maliit pa din ang tyansa na tuluyan nang magbukas ang mga paaralan sa darating na Agosto para sa panibagong school year.
“Napakaliit pa po na porsyento. Out of 821 na schools natin sa Palawan, 41 pa lang ang ating ipapa-evaluate,”
Isa naman sa mga pinangangambahan ng kagawaran ay ang magiging epekto ng modular learning sa kaalaman ng mga mag-aaral sakaling bumalik na ang mga ito sa face-to-face class.
“Nakikita na po namin na once na bumalik na tayo sa face to face… nakikita namin ang isang challenge, baka dumami ang nonreaders”
Gumagawa na din ang DepEd ng kaukulang programa kagaya ng pagpapaigting ng reading program lalo na sa mga kinder hanggang Grade 3.
Discussion about this post