Isang 80-anyos na ginang ang nabiktima ng panlilinlang at pagnanakaw nitong Biyernes ng umaga matapos siyang isakay ng isang hindi kilalang lalaki na nagkunwaring may malasakit habang siya’y naghihintay ng masasakyan sa harap ng Iglesia ni Cristo sa Plaridel.
Si Lola Letecia Esparagoza, na kilala sa kanilang lugar sa Sandoval bilang masipag na nagtitinda ng sili para may maipambili ng gamot at pagkain, ay papunta sana sa bayan ng Narra upang mag-asikaso ng personal na lakad. Bandang alas-diyes ng umaga, nilapitan umano siya ng isang lalaki sakay ng motorsiklo at nag-alok ng libreng sakay, sa kadahilanang papunta rin umano ito sa parehong direksyon.
Bagamat hindi niya kilala ang lalaki, nagtiwala si Lola Letecia at sumakay. Subalit imbes na dumiretso sa highway, lumiko ang rider papasok ng Sitio Bagong Sikat sa Sandoval. Doon, huminto umano ang lalaki at nagsabing manghihiram muna siya ng helmet para kay Lola. Pagbalik, wala itong helmet ngunit inaya si Lola na pagsama-samahin na lang daw ang kanyang mga dala sa isang mas malaking bag para mas madali raw dalhin.
Makaraan nito, sinabi ng lalaki na may dadaanan lang siya sandali at iniwang naghihintay si Lola. Ilang minuto ang lumipas, hindi na bumalik ang lalaki. Nang suriin ni Lola ang bag na iniwan sa kanya, doon niya natuklasang nawawala na ang kanyang sling bag na naglalaman ng kanyang cellphone, senior citizen ID, at halagang ₱2,000—kitang pinaghirapan niya mula sa pagbebenta ng sili.
Umiiyak at takot, nagtanong si Lola sa mga tao sa paligid kung may nakakita sa lalaki. Ayon sa ilang residente, may napansin silang lalaking naka-full-face helmet na asul at puti ang kulay, at nakasuot ng long sleeves. Tinatayang nasa 5’6 ang taas nito at hindi kalakihan ang pangangatawan. Gayunman, mahirap itong makilala dahil halos natatakpan ng helmet at damit ang kanyang mukha at katawan.
Panawagan ngayon ng mga opisyal at residente sa publiko na maging mapagmatyag, lalo na kung may kasamang matatanda sa paglalakbay. Paalala rin na huwag basta-basta sumakay o magtiwala sa mga hindi kilala, gaano man kaayos ang anyo ng alok.
 
                                 
			 
    	 
                                 
					
 
                     
                                 
                                 
                                













