Tinututukan ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang pagtugon sa problema sa mataas na presyo ng bilihin sa ngayon. Sa kanilang mga naging pagtalakay sa usapin, kanilang natukoy na ugat ng usapin ang seguridad sa pagkain sa lalawigan. Kailangan umanong mabalanse ang supply, demand at presyo ng mga bilihin.
“Yung Provincial Agriculturist may atas siya para mag-presenta ng pinaka-pinal na food security plan sa buong lalawigan with coordination with the National Government Agencies in particular the BFAR pati yung DTI ay kasama natin dito. Yung Provincial Veterinary andoon din at sa malaking bahagi nung ating mga isinasagawang pagpupulong. Dumalo sila nakaraan at nagbigay ng kanilang rekomendasyon na mga pahayag at higit sa lahat yung mga plano at nais gawin para doon sa ating food security issues.” Ayon kay 3rd District Board Member Ryan Maminta.
Maliban umano sa pagtugon sa mataas na bilihin sa ngayon, nais ng Sangguniang Panlalawigan na magkaroon ng solusyong pangmatagalan sa ganitong problema. Sa ganitong paraan ay masisigurong hindi malulugi ang mga pangunahing nagsu-supply ng pagkain sa buong lalawigan.
“Pero talagang ang gusto natin sana ay magkaroon ng maliban lang sa short term ay medium term solutions dito sa ating food security issues para pagdating ng mga susunod na panahon na darating lalo na’t nagbukas na ang ating ekonomiya [ay] hindi na ito maging issue bagkus gumagawa na tayo ng pagpapatupad at implementasyon ng mga kinakailangang hakbangin para mabalanse natin yung issue ng supply, demand at higit sa lahat yung presyo sa merkado kasama na yung sa production side ng ating mga producers, mga magsasaka’t mangingisda na hindi rin naman sila nalalagay sa alanganin. So sa madaling salita ay kumikita sila sa kanilang enterprise…”
Bukas, Pebrero 2, ay magkakaroon muli ng pagpupulong kung saan inaasahang pag-uusapan ang mga hakbangin na maaari nang ipatupad upang matugunan ang food security issue at ang pag-iingat din na gagawin upang hindi makapasok sa lalawigan ang African Swine Fever.
“Yung mga situationary report ay mukhang kailangang iakma doon sa ating polisiya para masabi na nasa direksyon tayo ng evidence-based policy making. So ito ay tinatapos nila hanggang sa susunod na Miyerkules. Yun na yung presentasyon kung tayo’y mayroon nang makikita doon na mahuhusay na kailangang agarang gawin ay i-a-adapt na natin at hihilingin na ipatupad sa buong lalawigan katulad na lamang halimbawa ng talagang pagsasara ng ating mga borders para hindi tayo mapasok ng African Swine Fever. Hindi lamang doon sa mga live atsaka sa mga meat products pati yung processed meat products mula sa lugar na kung saan mayroong presensya ng African Swine Fever.”
Inaasahan umano na may isa o dalawa pang pagpupulong na gaganapin kaugnayng usapin bago maialatag ng maayos ang mg ahakbangin para matugunan ang problema sa food security sa Palawan.
Discussion about this post