Sa kabila ng tumitinding kontrobersya at panawagan para sa kanyang pagkaalis sa Narra, nagpahayag ng kanyang saloobin si Narra MPS Chief PMaj. Thirz Starky Timbancaya matapos ipahayag ni Mayor Danao ang kagustuhan nitong mapaalis siya mula sa kanyang posisyon bilang hepe ng Narra MPS.
Aminado si Timbancaya na napukaw ng kanyang atensiyon ang mga naging pahayag ng alkalde, ngunit mariing pinanindigan na patuloy siyang maglilingkod sa bayan ng Narra at hindi siya magpapadala sa anumang ibinabato laban sa kanya.
Ayon kay Timbancaya, tila hindi na siya nagustuhan ni Mayor Danao simula pa lamang ng kanyang pagdating sa Narra, ngunit nananatili siyang determinadong ipagtanggol ang seguridad ng bayan habang pinapanatili ang respeto sa punong bayan.
“Gagampanan ko ang aking tungkulin bilang hepe ng Narra MPS hangga’t walang iniaabot na relieve order laban sa akin,” aniya.
Ang isyu sa pagitan ng dalawa ay nagmula sa dalawang beses na hindi pagdalo ni Timbancaya sa flag raising ceremony ng LGU Narra tuwing Lunes, na tila nagdagdag sa tensyon sa kanilang relasyon.
Ayon sa mga ulat, ang hindi pagdalo ni Timbancaya sa seremonya ay nagdulot ng pagka-dismaya ng alkalde, na maaaring nag-udyok sa kanya na hilingin ang pagpapalit ng hepe.
Nauna namang naipaliwanag na ni Timbancaya na siya ay nasa seminar sa Asturias Hotel, Puerto Princesa City noong Lunes, Setyembre 2, kung kaya’t hindi siya nakadalo sa nasabing seremonya, bagaman may mga ipinadala siyang pulis upang mag representa sakanya.
Nilinaw din ni Timbancaya na hindi niya tinatakot ang mga kawani ng Narra Anti-Crime ni Mayor Danao. Ayon sa kanya, ang kanyang mga aksyon ay bahagi lamang ng kanyang tungkulin bilang hepe ng lokal na kapulisan na magbigay ng mga paalala upang mapanatili ang kaayusan sa bayan.
“Ang aking layunin ay hindi ang takutin ang sinuman kundi ang tiyakin na ang lahat ay sumusunod sa batas bago pa man may mangyari,” ani Timbancaya.
Bukod dito, ibinahagi ni Timbancaya ang kanyang pananaw na ang kontorbersya umano ay posibleng may kaugnayan din sa isang insidente mahigit sampung taon na ang nakalilipas. Noong siya’y hepe ng Aborlan MPS, siya mismo ang nanguna sa pag-aresto kay Mayor Danao, na noo’y nahuli sa akto ng pagbibiyahe ng ilegal na kahoy.
Sa kabila ng paglipas ng panahon, naniniwala si Timbancaya na ang insidenteng iyon ay maaaring bahagi rin ng dahilan kung bakit may tensyon sa kanilang kasalukuyang relasyon.
Matatandaang nagpadala na ng liham si Mayor Danao sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) upang hilinging mapalitan si Timbancaya.
Gayunpaman, nanindigan muli si Timbancaya na siya ay patuloy na maglilingkod hangga’t wala pa siyang natatanggap na relieve order mula sa DILG.
Discussion about this post