Muling iginiit sa Sangguniang Panlalawigan sa pamamagitan ni Board Member Juan Antonio Alvarez na sumailalim muna sa pagsusuri ang lahat ng locally stranded individual at returning overseas Filipino na uuwi ng Palawan bago ang mga ito payagang umuwi ng lalawigan.
Sa kaniyang priviledge speech sa ginanap na sesyon noong Martes, ika-18 ng Agosto, sinabi nitong bagaman karapatan ng mga ito ang umuwi sa probinsya mas mainam umano kung masisigurong ligtas ang mga ito sa sakit.
“Hindi naman po natin tinatanggihan ang kanilang pag-uwi, karapatan po nila ang kanilang pag-uwi sa ating lalawigan pero sana po doon palang [sa kanilang panggagalingan] ay ma-test [agad],” pahayag ni BM Alvarez.
Sinusugan naman ni bokal Albert Rama ang kahilingan ni BM Alvarez. Ilalatag umano nila ang bagong kahilingan sa provincial inter-agency task force against COVID-19 para mapag-usapan ang mga susunod na hakbang.
Matatandaan na una ng nagpasa ng resolusyon si Board Member Alvarez sa Sangguniang Panlalawigan na humihiling na sumailalim muna sa pagsusuri o testing ang mga LSI at ROF bago payagang umuwi sa Palawan subalit tila walang nangyari.
“Meron po tayong naipasang resolusyon mga isang buwan o dalawang buwan anh nakalipas na nagre-request po tayo na sana doon po sa pinanggalingan po ng LSI o ROF bago po sila pasakayin sa kanilang sasakyan pauwi po dito sa ating lalawigan sana po sila po ay mai-test,” dagdag pa ni Alvarez.
Naging basehan ni BM Alvarez ang kahilingang ito matapos na maitala ang unang local transmission ng COVID-19 sa Coron na namatay kahapon, Agosto 18 matapos na isugod sa Culion Sanitarium and General Hospital noong Agosto 14. Posibleng nahawa umano ang pasyente sa anak na nagtatrabaho bilang security guard sa pantalan ng Coron.
Discussion about this post