Pinabulaanan ng opisina ng lokal na MDRRMO Narra ang kumalat na haka-haka sa bayan na mayroong dalawang aktibong kaso ng COVID-19 sa munisipyo sa kasalukuyan.
Ito ang inanunsiyo ni Raymund dela Rosa ng MDRRMO sa ginawang flag ceremony ng lokal na pamahalaan ngayong umaga ng Lunes, Oktubre 12, katuwang si Municipal Health Officer Dra. Gina Tagyab.
Ayon kay Tagyab, wala nang aktibong kaso ng pandemya sa ngayon sa naturang bayan bagaman may naitalang dalawang kaso ng COVID-19 kamakailan. Sinabi niya na ito ay naitala lamang sa Narra sapagkat ang mga indibidwal na ito ay pawang taga-Narra. Anya, ang mga ito ay dalawang Locally Stranded Individual (LSI) na lumapag sa probinisya noong nakaraang linggo ngunit agad namang na iquarantine at gumaling sa lungsod ng Puerto Princesa bago pa man tuluyang makauwi sa munisipyo ng Narra.
“Pero noong nakita silang positive nang nai-swab sa Puerto, hindi po nakarating sa Narra. So record purposes lang po iyun. So noong pumunta sila sa Narra, recovered na sila. So zero po ‘yung COVID case dito sa Narra,” ani Tagyab.
“Nagkakaroon lang nang parang mis-interpretation sa reports na hindi natin masyadong naintindihan, kasi may nakalagay na 2, pero’ yun po ay because of the address lang na taga-Narra sila pero wala po sila rito noong time na ‘yun na reactive sila,” dagdag nito.
Ayon naman kay dela Rosa, tila nagkaroon ng pagka-alarma at pagkalito ang mga kababayan sa nailabas na balita ng isang lokal na media company kamakailan lamang dahil isinaad na ang kanilang bayan ay mayroong dalawang naitalang aktibong kaso.
“Last night, may nagsend sakin ng balita na sinabi nga doon sa news na mayroon tayong dalawa na positibo sa Narra. Well, kung babasahin ko naman ‘yung news parang sinasabi lang naman ay nagtala tayo ng dalawa. Ang problema’ yung interpretation ng iba,” ani dela Rosa.
Nagbabala rin ito sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan at sa mga ibang kababayan na huwag basta basta maniwala sa mga lokal na haka-haka at chismis bagkus manatiling kalmado at maghintay sa anunsiyo o balita na ilalabas nang mga ahensiya at opisinang nangunguna sa laban kontra COVID-19.
“Please lang, tayo po sa LGU dapat tayo ‘yung unang-unang nagsasabi sa iba na kapag walang inilabas ang IATF na news kung may positive sa Narra, walang positive. Kung ano man ang mga rumors na lumalabas ay dapat tulongan niyo po kami na ma-explain sa kanila,” ani dela Rosa.
” Kung hindi nanggaling sa proper authorities iyang news na ‘yan. Hindi’ yan totoo,”dagdag nito.
Discussion about this post