Nagkaroon ng kontrobersya kamakailan dahil sa umano’y panghuhuli ng Puerto Princesa Land Transport Terminal sa mga mananakay mula sa hilagang bahagi ng lalawigan na nag-aabang ng masasakyan sa crossing ng Brgy. Sta. Lourdes.
Ayon kay Board Member Nieves Rosento, labis niyang ikinabahala ang balitang ito. Bagamat hindi pa niya ito personal na nasaksihan, nabalitaan niya na marami sa mga taga-norte ang naglalakad na lamang papunta sa unahan ng Brgy. Sta. Lourdes upang maiwasan ang paghuli ng mga kawani ng Puerto Princesa Land Transport Terminal.
Dahil dito, nais ni BM Rosento na alamin kung bahagi ba ito ng ordinansang ipinapatupad ng lungsod na nagpapahintulot sa paghuli ng mga taga-norte na nag-aabang ng masasakyan patungong hilagang bahagi ng Palawan.
Upang solusyunan ang isyu, nagpahayag si BM Rosento na nais niyang magkaroon ng malayang talakayan sa pagitan ng Sangguniang Panlalawigan, ng pamunuan ng Puerto Princesa Land Transport Terminal, at ng pamahalaang panlungsod. Layunin nito na masusing pag-aralan ang patakaran at pagpapatupad ng nasabing batas na lubhang nakakaapekto sa mga taga-norte ng lalawigan.
“Nais ko pong ihayag ang problemang ito, magkaroon sana tayo ng dialog between Puerto Princesa Land Transportation Terminal, at sa Pamahalaan ng Puerto Princesa kagya’t na agarang pag emplementa po nung pag huhuli nang mga sumasakay dyan sa Sta. Lourdes na nakakaapekto po ng lubusan sa aming mga kababayan sa Norte ng Palawan.”saad ni Rosento.
Sa huli, pinahayag din ni BM Rosento ang kanyang paniniwala na ang pagbisita ng mga taga-norte sa Puerto Princesa ay maaari ring makatulong sa ekonomiya ng lungsod. Ito ay dahil sa kanilang pagbili sa malalaking tindahan at paggamit ng mga pampasaherong sasakyan sa lungsod, na ngayon ay maaaring maging dahilan upang sila ay mahuli habang nag-aabang ng masasakyan pauwi sa kanilang tahanan sa norte.
“Naniniwala ako na ang pagpunta ng ating mga kababayan sa Puerto Princesa ay Nagdudulot ng malaking tulong sa ekonomiya ng Puerto Princesa.”
Ang isyung ito ay patuloy pa ring sinusuri, at ang pagtutulungan ng mga kinauukulan ay mahalaga upang mahanap ang nararapat na solusyon para sa kapakanan ng lahat ng mga taga-Palawan, lalo na ng mga mananakay mula sa hilagang bahagi ng lalawigan.
Discussion about this post