Ipinaabot ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ng San Vicente sa pamamagitan ng isang resolusyon sa Sangguniang Bayan ang ilang rekomendasyon sa pagsasagawa ng libreng Rapid Antigen Test (RAT) para sa mga biyaherong umuuwi sa munisipyo. Ang ordinansa ay nagpapatungkol sa suspensyon ng pagkolekta ng bayad para sa pagsasagawa ng antigen test sa mga kwalipikadong residente na may mahalagang biyahe.
Kaugnay ito ng hindi paglagda ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Ordinance No. 17, Series of 2021 upang maikonsidera ang ilang mahahalagang suhestiyon ng MIATF para sa epektibong pamamahala ng mga biyahero. Binigyang linaw naman ng Alkalde na libre ang antigen testing para sa mga nangangailangang indibidwal na may “essential travel” simula noong ipinatupad ang mga polisiyang pagiingat upang hindi makapasok ang COVID-19 sa kanilang bayan.
Inirerekomenda naman ng MIATF Resolution No. 07-01 na limitahan sa mga mahalaga at emergency ang mga papayagang makapagbiyahe alinsunod sa implementasyon ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa Munisipyo. Inirerekomenda rin ng resolusyon na ihanay sa indigent at non-indigent lamang ang mga residenteng kwalipikado sa libreng RAT.
Ang isang mahirap (indigent) na indibidwal na mayroong mahalagang transaksyon sa labas ng munisipyo o mayroong emergency ay patuloy na makakatanggap ng prebilihiyong ito. Samantalang nakadepende sa transaksyon ng isang non-indigent na residente kung ito ay makakakuha ng libreng antigen test.
Ilan sa mga tinukoy ng resolusyon ng MIATF na mahahalagang biyahe ay ang transaksyon sa bangko, eskwelahan at sa mga opisina ng gobyerno, trabaho, medikal, renewal ng mga lisensya, paghahatid ng pangunahing pangangailangan, pagdulog sa korte at ang opisyal at pribadong lakad ng mga kawani ng gobyerno.
Discussion about this post