Inaasahang matatapos na sa buwan ng Oktubre ang ginagawa ngayong Molecular Testing Laboratory (MBL), ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Ani Dr. Faye Erika Labrador, acting provincial health officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na sa ngayon ay nasa 70 porsiyento nang tapos ang nasabing laboratoryo na matatagpuan sa Brgy. Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa.
Aniya, sa ikalawang linggo ng kasunod na buwan ang target date of completion ng pasilidad. Kapag natapos na ay lalagyan ito ng anim na medical technologists na sila namang magsasagawa ng Reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) testing para sa mga specimen ng pinaghihinalaang may COVID-19, na sa lalawigan, ay kasalukuyang ginagawa sa Ospital ng Palawan (ONP).
Sa hiwalay na panayam naman kay OIC Provincial Engineer Saylito Purisima, binanggit niyang nasa P10.5 milyon ang pondong ginamit sa pagpapatayo ng nasabing pasilidad, mula sa DBM na alinsunod sa nakasaad sa “Bayanihan to Heal as One Act.” May kasama na umano itong staff quarter at ipinabakod na rin ni Gov. Jose C. Alvarez ang buong pasilidad dahil ito ay isolated facility at may magbabantay ding mga guwardiya 24/7.
Dagdag pa ni Purisima, ang counterpart naman ng Pamahalaang Panlalawigan sa proyekto ay ang pagbili ng mga equipment galing sa pondo ng PDRRMC. Kamakailan ay nabili na ng Provincial Government ang RT-PCR machine.
“Once makumpleto na ‘yong infrastructure, we will invite the Department of Health to accredit this facility kasi it requires a license to operate and they are the one that will accredit and inspect compliance for their standards,” aniya.
“So, hopefully, this effort, kung mabibigyan tayo ng permit by October, in addition sa ginagawa ng ONP, mayroon na rin tayo sa Province [of Palawan],” dagdag pa ni Engr. Purisima.
Kapag naging operational na ang nabanggit na laboratoryo ay balak ng Provincial Government na isailalim sa swab testing ang mga darating na inbound travelers sa Palawan upang agarang malaman kung posible ba silang carrier ng COVID-19 dahil sa ngayon ay isinasailalim lamang ang mga dumarating sa lalawigan sa Rapid Diagnostic Test (RDT) na hindi naman “gold standard” para madetermina ang SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19. Kaya umano nitong mag-test ng 100 katao sa loob ng isang araw.
Ayon naman sa pinuno ng PEO, kahit na magbukas na ang MBL ay tuloy-tuloy pa rin ang ginagawa ng ONP na pag-test sa mga sample dahil sila naman ay direktang pinangangasiwaan ng DOH-CHD MIMAROPA, habang ito ay isu-supervise ng gobernador sa pamamagitan ng PHO.
“Mas maganda ito kasi dalawa na ang patutunguhan ng mga LSI, [ROF], [at APOR]—either pupunta sila sa laboratory ng province o sa ONP,” ani Purisima.
Sa ngayon umano ay kompleto na ang mga medtech na ilalagak sa BML at well-trained na sila pagdating sa nasabing proseso. “In fact, they are the ones na sila’ng kumukuha ng swab testing sa Irawan, ‘yong sa rapid test. So, it’s a matter of completing this facility,” aniya.
IBA PANG GAMIT NG LABORATORYO
Kalaunan umano, kapag natapos na ang problema sa COVID-19 ay maglalagay ng GenExpert ang Kapitolyo dahil sa may inter-relation ang nasabing sakit sa Tuberculosis at pneumonia.
“Kasi ang concept ni Gov. dito gawin itong pinakamalaking testing center sa Palawan,” ani Purisima. “After COVID-19 pandemic, this laboratory will continue to operate doing laboratory works para sa mga critical diseases, etc.”
At bagamat may bayad, nilinaw ni Engr. Purisima na walang babayaran ang mga mahihirap na LSI base sa klasipikasyon ng DSWD. Sa ngayon ay binabalangkas na rin umano ang isang ordinansa para rito sapagkat hindi maaaring maningil kapag walang batayang ordinansa.
Ipinabatid din ng chief ng Engineering office na kung ang bayad para sa swab testing sa Metro Manila ay nagkakahalaga ng P5,000, posibleng sa Lalawigan ng Palawan ay maniningil sila ng mas mura kumpara sa nasabing presyo.
Discussion about this post