Mariing tinutulan ni Board Member Nieves C. Rosento ang paglilipat sa ikalawang distrito mula sa unang distrito ng Munisipyo ng Kalayaan.
Binigyang diin ni Rosento… “Kaya sa aking mga kasamahan sa plenaryong ito national security ang dahilan kung kayat ang inyong lingkod ay mariing tumututol sa paglilipat sa munisipyo ng Kalayaan sa ikalawang distrito mula sa kasalukuyang unang distrito. Alam ko pong hindi lingid sa ating kaalaman na pinagtatalunan pa ang lugar at ang bawat bansang umaangkin sa ating teritoryo ay may personal na dahilan.”
Ang Kalayaan ay naitatag sa bisa ng Presidential Decree 1596 noong taong 1973 sa pamamagitan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na siyang naging hudyat ng bansa upang igiit ang karapatan ng bawat Pilipino sa lugar na umaayon sa international law lalo na sa bahaging kanluran ng bansa na kung saan ang political structure ay nagkaroon ng maayos na pamamalakad dulot ng pagkakaroon ng lokal na pamumuan mula sa alkalde hanggang sa Sangguniang Kabataan isang malayong bayan na may nag-iisang barangay na napapabilang sa unang distrito ng lalawigan.
Para kay Rosento, maituturing na premature ang nabanggit na usapin upang hilingin sa kongreso na ilipat ang congressional affiliation ng Kalayaan mula sa unang distrito patungo sa ikalawang distrito.
Ang usapin ay hindi lamang lokal na isyu bagkus ito ay pang nasyunal na paksa na maaari pang ipaabot sa international na plenaryo.
Iminungkahi ni Rosento, bago pa man isulong ang panukala kailangan munang kumonsulta sa pamahalaang nasyunal lalo na sa mga ahensiyang kaakibat sa pagtatanggol ng teritoryo, kabilang na ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, na kung saan ay pinili ng mga ito na mapalayo sa kanilang pamilya upang maipalaban ang teritoryo kasama na ang Philippine Coast Guard at DA BFAR at iba pang non-government organizations na patuloy ang pagbibigay suporta sa lokal na pamahalaan ng Kalayaan.
Bilang pangwakas, binigyang diin ni Rosento… ”Manawa’y maging holistic ang approach sa usaping ito, kung kaya’t aking hinihiling sa aking mag kasamahan na ipagpaliban muna natin ang pag-apruba sa resulosyon hinggil sa paglilipat ng Kalayaan Island mula sa unang distrito patungo sa ikalawang distrito.”
Sa paglipas ng panahon nagkaroon ng malaking isyu hinggil sa national security ng bansa nang magkaroon ng mga militarized artificial island structures doon na nagging sanhi upang maging limitado ang galaw ng mga mangingisdang Pilipino sa lugar at noong nakalipas na ika- 22 ng Enero taong 2013 nagsimula ang paglilitis sa arbitral doon.
Bukod dito, maraming naging kaganapan ang pinagdaanan ng naturang bayan na bagama’t napakalayong distansiya mula sa kalupaang bahagi ng lalawigan ay nasa unang distrito ng Palawan nakalokasyon.
Ayon kay Rosento, hindi nagkukulang ang bansang Pilipinas partikular ang sandatahang lakas at ang mga mamamayang Palaweño na patuloy itong ipinaglalaban.
Kung susundan ang hakbang ng pamahalaang nasyunal ay lalong mapagtitibay ang karapatan sa teritoryo.
Hindi lingid sa kaalaman na ang panukalang ito ay bunsod ng pagsulong ng ilang lokal na mambabatas ng bayan ng Kalayaan nang may layuning mapadali ang mode of transportation dahil mayroon itong jump off point sa Berong, bayan ng Quezon, Palawan.
Mapagpakumbabang iginagalang ito ni Rosento dahil ito ay umaayon naman sa umiiral na batas ngunit marapat lamang na isalang-alang ang seguridad lalo na ang ipinaglalabang national security.
Discussion about this post