I-imbitahan ng Sangguniang Panlalawigan sina Narra Mayor Gerandy Danao at Sangguniang Bayan members nito sa susunod na linggo upang magkaharap at mabigyan-linaw ang mga kasong isinampa ng mga ito sa isa’t-isa.
Ito ay bilang bahagi ng gagawing pagdinig ng Provincial Board sa mga isinampang kaso ng magkabilang panig sa bawat isa at titingnan ko maaari pang magkasundo ang mga ito matapos makausap ng mga lokal na mambabatas ng probinsya.
Ayon kay Vice Governor Dennis Socrates, sa Martes, June 30, ay inaasahang magkaharap ang mga ito sa isasagawang preliminary conference.
“Titingnan natin at isa sa mga pag-uusapan ay kung maaari pa silang magkasundo. Kasabay nun ang pag-submit ng kanilang preliminary conference briefs o ang paglalahad ng kanilang posisyon kung ano ‘yong kaso sa tingin nila,” ani Socrates sa panayam ng media.
Sa sesyon naman ng Sangguniang Panlalawigan kanina [June 24], boluntaryo nang nag-inhibit si Board Member Prince Demaala na isa sa mga complainant sa kasong isinampa laban kay Danao at isa sa mga respondent sa kasong isinampa naman ng alkalde ng Narra.
Paliwanag ni Demaala, ito ay upang maiwasang mabahiran ng pulitika ang pagdinig at bilang pagrespeto sa Sangguniang Panlalawigan.
“I am formally inhibiting myself to any proceedings regarding this case. This administrative case filed to Mayor Danao except for my presence for the determination of quorum,” ani Demaala sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan.
“Isa din sa kaganapan ngayon ay ang pormal na pag-inhibit ni Board Member Demaala sa pakikilahok sa pagdinig sa mga kasong ito,” dagdag ng bise gobernador.
Samantala, inaasahan na haharap ang mga inimbitahan sa susunod na linggo kasabay ang pagtiyak ng Provincial Board sa patas na pagdinig sa mga kasong isinampa at kinakaharap ng dalawang kampo.
Discussion about this post