Matagumpay nang nailigtas ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa pagmamalupit ng kaniyang amo sa Saudi Arabia. Ayon sa Pamahalaang Bayan ng Busuanga sa pamamagitan ng Busuanga Public Information Facebook page noong Nobyembre 9, 2020, nakabalik na ng Busuanga ang nasabing biktima noong Nobyembre 6 matapos ang mahabang proseso.
Kalakip din sa post ng LGU ay ang mga larawang ipinadala sa Tanggapan ng Alkalde na nagpapakita ng kalupitang dinanas ng nasabing biktima sa kamay ng kaniyang amo. Ito ang naging dahilan kaya nagsumikap ang kaniyang pamilya sa agaran niyang pag-uwi sa Lalawigan ng Palawan.
“[D]umulog sa tanggapan ni Mayor Cervantes ang kanyang ama at ang kanilang Punong Barangay upang ipaalam ang kalunos-lunos na sitwasyon ng ating kababayan at agad na ipinag-utos ni Mayor Cervantes ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan upang matulungan ang ating kababayan,” nakasaad sa impormasyong ipinaskil ng LGU Busuanga.
Sa tulong umano ng kaniyang mga kaibigan sa ibang bansa, mga kaanak, at ng lokal na pamahalaan ay maluwalhati at ligtas na nakauwi sa lalawigaan ang biktima.
Sa kasalukuyan ay sumasailalim sa 14-day quarantine period ang naturang OFW sa kanilang Barangay Quarantine Facility (BFC). Muli naman umanong makikipagkita sa kaniya si Mayor Cervantes paglabas niya sa BQF upang ipagkaloob ang tulong ng lokal na pamahalaan.
Nakikiusap din ang LGU sa lahat na kung nakikilala nila ang tinutukoy na OFW ay huwag nang banggitin pa ang kaniyang pangalan sa post. Nilinaw nila na ang layunin ng pagsasapubliko sa kaso ng nabanggit na ROF ay upang ipabatid sa mga mamamayan na nagaganap ang ganitong sitwasyon sa mga OFW na kung saan ay nakahanda namang tulungan ng mga kianuukulan.
Samantala, nagpaabot din ng lubos na pasasalamat ang Busuanga Municipal Government sa lahat ng tumulong para makauwi ang biktima gaya nina PESO Provincial Manager Richard Rebote, MDRRM Officer Allan Guian, Municipal Information Officer (MIO) Jonathan Dabuit na inatasan ng alkalde na tumutok sa nasabing kasong ito, at sa pamunuan ng OWWA-Palawan, POEA, DRRMO, sa agency ng biktima, sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak sa ibang bansa, at sa mga MHO personnel.
Discussion about this post