Pormal nang sinampahan ng kaso sa Puerto Princesa City Prosecutors Office ang commander ng Philippine Coast Guard Puerto Princesa City at tagapagsalita ng PCG Palawan na si Ensign Allison Tindog matapos matimbog ng National Bureau of Investigation – Palawan sa entrapment operation dahil sa diumanoy pangingikil sa mag-asawang may-ari ng isang yate.
Ayon kay NBI Agent Roger Sususco, kabilang sa mga kasong kanilang isinampa ay ang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, robbery extortion at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Bago mahuli sinabi ni Sususco na humingi ng tulong sa kanilang tanggapan ang mga biktima na sina Jessica at Dirk Haring dahil sa dalawang beses diumanong pangongotong sa kanila ng opisyal.
Nangyari umano ito matapos hulihin ang mag asawa dahil sa kakulangan umano ng papeles para makapaglayag gamit ang yate.
Batay sa sumbong ng mga complainant sa NBI – Palawan, unang pinagbabayad ni Tindog ang mag-asawa ng P180,000 para sa kanilang paglabag pero napakiusapan daw nila ito kaya P80,000 na lang ang kanilang ibinayad sa opisyal pero nagtaka umano sila dahil P10,000 lang ang halagang nakasulat sa resibong ibinigay sa kanila.
Samantala, noong ika-17 ng Pebrero ng muling naglayag ang mag asawa pero muli na naman silang hinuli ng Philippine Coast Guard at pinagbabayad P110,000 pero muli nila itong natawaran hanggang bumaba na lamang sa P50,000.00
Magkagayunman, agad silang humingi ng tulong sa NBI kaya nitong Martes ng hapon ay ikinasa ang entrapment operation sa mismong tanggapan ni Tindog.
Nakuha sa suspek ang P50,000 na entrapment money at agad dinala sa NBI Palawan ang suspek at tuluyang sinampahan ng kaso nitong Miyerkules ng hapon.
Naging matipid naman ang sagot ni Tindog sa tanong sa kanya ng media pero iginiit niya na malalagpasan niya ang problemang ito.
Naglaan naman ang piskalya ng piyansa na nagkakahalagang P190,000 for robbery extortion, P90,000 for R.A. 3019 and P30,000 for R.A. 6713 na may kabuuang halaga na P220,000 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Discussion about this post